Oct 22, 2020

1 sugatan sa aksidente sa El Nido

Nagtamo ng matinding galos sa kaliwang bahagi ng braso si Avelene Añete Monterde, self-employed, at residente sa nasabing bayan. Tinamaan ito ng mga bubog ng salamin ng sasakyan na nabasag dahil sa aksidente. 

Contributed photos

Napuruhan at nasa pagamutan pa ang isang 27 anyos na babae matapos maaksidente ang sinasakyan nitong pampasaherong van sa tabi ng national highway sa Barangay San Fernando sa bayan ng El Nido, Biyernes ng hapon.

Nagtamo ng matinding galos sa kaliwang bahagi ng braso si Avelene Añete Monterde, self-employed, at residente sa nasabing bayan. Tinamaan ito ng mga bubog ng salamin ng sasakyan na nabasag dahil sa aksidente.

“Dinala sa Puerto ang isang biktima dahil medyo seryoso ang lagay niya. Sa left arm ang tama niya at ang bubog ng sasakyan ang tumama sa kanya. Iyong apat na kasama sa aksidente ay minor lang ang tinamo,” ayon sa imbestigador na si P/Sgt. Fe Amisola sa panayam nito sa Palawan News,

Ayon naman sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, lulan ang limang pasahero ang nasabing sasakyan at habang binabagtas nito ang direksyon patungong Norte ay narating nila ang pababang parte ng kalsada.

Bigla umanong nawalan ang kontrol sa manibela ng sasakyan ang drayber na kinilalang si Gil Badenas Escalante, 40, residente ng Brgy. San. Jose ng Puerto Princesa. Ayon pa sa ulat, nadulas ang sasakyan at tumilapon ito sa bandang kanang bahagi ng kalsada na naging dahilan ng pagtaob nito.

Kinilala ang iba pang biktima ng aksidente sa mga pangalang Angelica Evagelio Vinluan, 21, estudyante; Nally Danay Delos Santos, 59; Ofelia Bacsa Gabuco, 46, self-employed, at Dominador Ferriol Gabuco, 45.

Ayon kay Amisola, hindi naman nakainom ang drayber at sakto lang ang bilis ng patakbo nito. Wala rin itong galos sa katawan.

Idinagdag rin ni Amisola na gusto ng asawa ng biktima na ipasagot ang bayarin sa ospital sa drayber na si Escalante bilang areglo na lamang subalit kung ito ay tatakbo sa kanyang responsibilidad ay magsasampa sila ng kaso.

“Hinahabol nila ang driver pero willing naman ito tumulong sa biktima. Mag-uundergo ng operation din ang biktima dahil nangingitim na daw ang kamay nito sabi ng asawa,” ani Amisola.

“Kung alam na madulas ang kalsada at maulan, ay huwag nang magpakumpiyansa, dahan-dahan lang dapat ang patakbo ng sasakyan para maiwasan ang aksidente sa kalsada,” dagdag paalala ni Amisola sa mga motorista.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry