Ang Planning Workshop na isinagawa ng CPPI sa lungsod ng Puerto Princesa at sa Bataraza (Larawan mula kay Rainier Manalo)

Isang Scientific Planning Workshop on the Population Management of Indo-Pacific Crocodiles ang isinagawa kamakailan upang ilatag at pag-aralan ang iba’t ibang programa na naglalayon na makakatulong upang magkaroon ng ligtas na co-existence ang populasyon ng buwaya at ang mga naninirahan sa mga komunidad na mayroong presensya ng kanilang populasyon.

Ang workshop ay isinagawa sa Puerto Princesa at sa bayan ng Bataraza noong Setyembre 7-10 sa pangunguna ng Crocodylus Porosus Philippines Incorporated (CPPI) katuwang ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at ang Rio Tuba Nickel Mining Corporation (RTNMC).

Kabilang sa mga lumahok ang Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC), Western Philippines University (WPU), Department of Education (DepED) sa lalawigan, Palawan Tourism Council (PTC), pamahalaang barangay ng Rio Tuba, pamahalaang bayan ng Bataraza, at iba pa.

Ayon kay Rainier Manalo, program director at tagapagsalita ng CPPI, tinalakay sa workshop ang “Crocodile Conservation and Protection”, kung saan maaaring protektahan ang mga buwaya, lalo na ang mga residente, at ang mga kabuhayan na maaaring mapakinabangan ng komunidad.

- Advertisement -

Aniya, ang bahaging Sur ng lalawigan, partikular ang bayan ng Bataraza, ang kasama sa kanilang talaan na may crocodile population.

Kabilang din sa napag-usapan ang mga bagay na maaaring makaapekto sa pagdami ng bilang ng buwaya gaya ng mga kalamidad, katulad ng matinding bagyo, baha sa ilog at dagat at iba pang trahedya sa kalikasan.

“Ang objective natin ay malaman natin kung ano ang possible na mangyayari at ang importante dito ay iyong pangangalaga pa rin talaga sa kanila, na huwag abusuhin, at huwag saktan, instead makagawa ng appropriate actions ang ating pamahalaan dito sa Palawan sa pangangalaga sa kanila na makakatulong sa komunidad,” pahayag ni Manalo.

“Sa Day 1 natin sa Puerto Princesa, we did our workshop kasama ang ating science team, and we presented different scenarios through using our modeling software, doon ay nagkaroon tayo ng mga simulations, in case ano ang posibleng mangyayari sa population ng buwaya starting 2021 up to 50 years from now,” dagdag niya.

Paliwanag niya, kung sunod-sunod ang trahedyang magaganap simula ngayong taong 2021, batay sa scenario na naipakita nila, magkakaroon ng biglaaang pagbaba ng population ng buwaya, pitong taon simula ngayon.

Sa bahagi ng workshop naman na isinagawa sa bayan ng Bataraza, tinalakay ng CPPI ang iba’t ibang paraan para sa pag-iingat sa posibleng pag-atake ng buwaya sa komunidad, mga dapat at hindi dapat gawin ng isang residente kung makakakita ito ng buwaya, at pagpapalawak ng kaalaman ng mga residente patungkol sa life cycle ng isang buwaya.

“Oo, naman, normal na matatakot ka talaga kapag nakakita kita, posibleng i-attack ka. Pero tayo naman sa CPPI ay nagbibigay tayo ng maraming kaalaman upang ang mismong community ay makagawa ng action at hindi saktan ang isang namumuhay na buwaya,” paliwanag ni Manalo.

Umaasa naman ang CPPI na ang planning workshop ay makakatulong pagdating sa conservation at sustainable management ng mga buwaya sa lalawigan at sa mismong bayan ng Bataraza upang makapamuhay ng payapa ang mga buwaya at tao sa iisang komunidad.

Previous articleTyphoon Kiko exits PAR
Next articlePPCWD announces water service interruption in Brgy. San Pedro on September 13-14
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.