(Photo from Brooke's Point Tourism Office)

Maliit mang kabuhayan ang paghahabi ng banig ay malaki ang naging tulong nito ngayon sa kabuhayan ng mga kababaihan sa isang komunidad ng Barangay Oring-Oring sa bayan ng Brooke’s Point, sa pamamagitan ng weaving center na itinayo ng Municipal Tourism Office (MTO).

Ang nasabing weaving center ay itinayo ng MTO noong 2019 upang magsilbing lugar para sa mga naghahabi ng banig sa komunidad at mabigyan ng kahalagaan at hindi mawala ang kanilang kinalakihang kabuhayan. Ito na rin ngayon ang isa sa pinagkukunan nila ng pang-araw-araw na gastusin, sa gitna ng hirap na dulot ng pandemya dahil sa COVID-19.

Pahayag ni Arlene Piramide, municipal tourism officer ng Brooke’s Point, patuloy ang kanilang ibinibigay na suporta sa mga banig weavers sa komunidad na ito katulad ng iba’t ibang pagsasanay sa paghabi at kung paano nila ito mapapalago upang mas lumaki rin ang kita.

Aniya, isa ito sa kanilang ipinagmamalaki sa Brooke’s Point pagdating sa pagpapayaman ng kultura ng mga Muslim, sa pamamagitan ng paggawa ng mga de-kalidad na banig upang makatulong sa pagpapataas pa ng tourism potential dito.

- Advertisement -

Ayon naman kay Arita Kulihim, tumatayong leader ng mga mat weavers, bagama’t naapektuhan ng pandemya ang kanilang pagbebenta ng banig ay patuloy naman ang suporta ng MTO para tulungan sila sa promosyon at marketing nito maging sa online.

“Apektado pero may mga dumadayo pa rin dito sa weaving center. May isa, dalawa, tatlo kada linggo na bumibili. Minsan ang tourism na ang tumatawag sa amin na may bibili,” pahayag ni Kukihim.

“Swerte naman kung may bibili sa mga mahal naming banig, may P3,000, may P4,000. Kalidad na yon at maganda na ang design, malaking bagay na rin para makabili kami ng mga pang-araw-araw namin,” dagdag niya.

Aniya, nasa 20 mat weavers sila na pawang mga kababaihang Muslim ng Oring-Oring ang gumagawa ng banig at dinadala ito sa weaving center upang ibenta.

Malaking bagay din umano na ang materyales mula sa halamang pandan na ginagamit sa paggawa ng banig ay likas ding tumutubo sa kanilang lugar kaya na nila kailangan pang maghanap sa ibang mga barangay. Ang binibili na lang nila ay ang pangkulay sa at panggawa ng disenyo sa ihahabing banig.

“Marami kaming tanim na pandan na dito. Lahat kami may tanim kaya hindi na namin kailangang maghanap o bumili pa. Ang bibilhin nalang naming ay ang pangkulay. Mura lang din naman ‘yon,” ani Kulihim.

Wala na rin umano silang ibang mapagkakitaan dito bukod sa paghahabi at pagbibenta ng banig.

“Nagpapasalamat kami sa tourism kasi tumulong sila sa amin para mapalago namin ito. Binigyan kami ng weaving center para ito ang maging sentro ng bilihan ng banig dito sa Brooke’s Point,” aniya.

Previous articleCity IATF says no new guidelines under Alert Level 3
Next articleHouse pushes for regulation of motorcycles-for-hire
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.