Bunsod ng napakaraming puna tungkol sa “Weak Ka”, sa tingin ko nararapat lang na dugtungan ang sanaysay na parang rejoinder. Ang mga komento ay merong pagsang-ayon, meron ding mga tanong, pero ang mas mainam ay ang kontra. Mas marami at lumalawak kasi ang ating karunungan kapag bukas sa kuro-kuro ng iba. Nakakatuwa na may ilang naglaan ng kanilang panahon at kaalaman na mga dalubhasa mula sa iba’-iba nating pamantasan.
Una, walang wika na mas mataas kesa sa isa. Lahat ng wika ay pantay-pantay. There is no superior language. Maituturing na diskriminasyon na papaboran natin ang isang tao dahil magaling mag- English. Mali ang humahanga sa foreign languages samantalang nanliliit kapag katutubong wika ang gamit. Lahat ng wika ay sapat. Bawat salita ay malalim na nakaugat sa buhay at kultura ng tao. Ang dapat na isaalang-alang – mahalin ang sariling Wika. Maging maayos at huwag ikahiya.
Ikalawa, ang pagmamahal sa Sariling Wika ay hindi nangangahulugan ng pagsasara para sa ibang wika. Mapapaunlad natin ang ating sarili sa pamamagitan ng pagyakap ng isa o dalawa pang kultura. Kung tutuusin, hindi maiiwasan na hindi magsanga ng landas ang mga wika. Lalo na sa kapanahunan ngayon na tila lumiliit ang mundo sa pag-eengkwentro sa social media. Katunayan, sa tagal ng panahon may mga inaakala tayo na mga salita na katutubo pero hiram lamang pala ito sa banyaga. Mga halimbawa: kutsara, bintana, almusal, banggerahan, atbpa. Hiram sila sa Kastila. Samantala ang ate, kuya, toyo, susi, petsay, sitaw, suki, atbpa. Hiram sa mga Intsik. Ang agham, asal, bansa, ganda, halaga ay mga halimbawa ng salita na buhat sa Sanskrit. Gayundin, maging sa mga katutubong wika ay merong paghihiraman. Tulad na lamang ng “asawa”. Ang katumbas ng “asawa” sa English ay either husband or wife. Ang wife ay “maybahay”. Walang counterpart sa lalaki. Kaya, tanggap na sa Filipino ang “bana”. Cebuano ito na ibig sabihin ay husband. Dito sa atin, ano sa Cuyunin ang kasintahan? Bakit ang kadalasan na naririnig ay. “laber”. Saang wika kaya hiniram ang “laber”?
Ikatlo, walang wikang puro. Ibig sabihin, hindi maiwasan na magmakasalamuha ang mga wika, tulad na lamang ng Filipino at English. Tulad ng ating nabanggit sa Weak Ka (1), “Wait lang” at “Guys, lunch na tayo”. Puede naman “Sandali lang”; maaari rin, “Kaibigan, mananghalian na tayo.” Tanggap na ang ganitong gamit ng magkahalong wika. Upang manatiling buhay at relevant ang wika nangangailan na manghiram sa iba. Parang sa karanasan din ng tao, hindi masama ang manghiram (basta isauli). Sa kabilang banda, mas marami tayong hiram kesa sa tayo ang hinihiraman. Anong ibig sabihin nito? Dahil sila ang meron, mayaman o makapangyarihan, kaya natural lamang na tayo ang manghiram?
Ikaapat, dahil sa phenomenon ng paghahalo ng wika, ang DepEd ay may tinatawag na Bilingual Education Policy. Ang layunin daw nito ay “equal proficiently in Filipino and English”. We are able to speak and shift either in English or in Filipino. Pero sa kasamang palad, nangyayari ba ito? Sa totoo lang, sa English class, meron bang straight English communication? O kaya, sa loob ng klase na ang subject ay Filipino, tanang straight Filipino din ba ang nagagamit? Ang nangyayari, heterogenous language- hindi Filipino at hindi rin English. Ang kinalabasan ay Taglish. Tanggap na rin ba kaya ito? (Tulad ng lang binabasa mo ngayon.)
Ikalima, obserbasyon ng nakatatanda na ang mga mas nakababata ay hindi na nakapagsalita ng Cuyunin, Agutaynen o Kagayanen. Nakapanghihinayang daw. Ayon sa mga bata, naiintindihan naman kaya lang di makapagsasalita. Saan o kanino ang pagkukulang? Dahil ayaw matuto ng mga bata o hindi nagturo ang nakatatanda? O baka naman, ang kulang ay hindi nakagisnan ang pagmamahal sa sariling wika. Hindi maitatatwa na ang Bibliya ay naisalin sa katutubong wika (Cuyunin, Agutaynen at Kagayanen) sa pangunguna pa ng mga banyaga. Ibig sabihin, kung gusto ay may paraan, hindi ba?
Bilang panghuli, bagamat hindi dito natatapos ang usapin ng wika, ang mainam na paraan upang mahalin ang isang bagay ay alamin muna ang katuturan nito at katuwiran. Ano ang mamahalin? Bakit pagyayamanin? Ano ang sanhi o puno’t-dulo ng wika? Ano ang silbi ng katutubong wika? Bakit di dapat na isantabi ito o kalimutan? Ano ang kinalaman at ugnayan ng iba’t-ibang uri ng wika?Maaari na ang lahat ng ito at iba pa ay mapag-uusapan sa pamamagitan ng Philosophy of Language. Kung sa bagong curriculum sa school ay pasok na ang Philosophy of Man, hindi dapat malayo na susunod na ang pag-aaral sa mundo ng mga wika. Sa ating mga tao, kailan ba tayo higit na natutuwa? Hindi baga na noong tayo ay ipanganak (naging tao) at kasunod nun ay noong tayo ay nakapagsasalita na?
Kung hindi tayo matututo sa pagpapahalaga sa ating wika, baka nga totoo na weak ka.