Isang lalaking wanted sa iligal na droga at itinuturing na high-value individual (HVI) ang sumuko sa 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG) sa Barangay Sta. Lourdes, alas dos ng hapon, ngayong araw ng Martes, Mayo 4.

Ang suspek ay kinilalang si Niño Castillo Ebidag, 36, tricycle driver, leader ng Ebidag Group at residente ng Brgy. Sta. Monica.

Si Ebidag ay sumuko matapos malamang siya ay may warrant of arrest na inilabas ni Judge Angelo Arizala ng Regional Trial Court (RTC), Branch 52, noong Pebrero 11, 2021, para sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165. Dagdag pa rito, sa tulong ng kanyang mga kamag-anak ay nakumbinsi siyang sumuko sa mga awtoridad.

“Ang suspek ay nag-volunteer na sumuko dito sa opisina, na-convince siya ng relatives niya na sumurender na lang sa amin noong ma-receive nila [ang impormasyon] na meron ngang warrant of arrest na inisyu sa kanya. Kaya tinawagan ng operatiba namin na i-convince nalang siya na sumurender sa amin at na-convince naman siya ng relatives niya,” pahayag ni P/Lt. Anna Abenojar, tagapagsalita ng 2nd SOU-MG.

“Pinaliwanagan lang siya ng relatives niya kung anuman ang maaring mangyari sa kanya. At para maiwasan din ang malagay siya sa kapahamakan, siguro kaya ginawa niya na rin iyon kasi gusto niyang mapababa iyong penalty niya kung sakali, ” dagdag pa ni Abenojar.

Matagal na umanong nagbebenta ng droga si Ebidag sa lungsod at inamin naman nito ang nasabing akusasyon sa kanya. Bagama’t walang piyansa ang kaso nito, ayon kay Abenojar ay may posibilidad na bumaba ang maging hatol sa kanya matapos na boluntaryong sumuko sa kanilang himpilan.

“Ayon sa report, nagbebenta siya ng ipinagbabawal na gamot. Pero hindi naman namin talaga siya naaktuhan na nagbebenta. Base lang iyon sa na-gather na information ng court kaya siya naisyuhan ng warrant at nagbase lang din kami doon. Inamin niya naman na nagbebenta siya,” ani Abenojar.

“Non-bailable siya pero maari silang mag-file ng motion na mapababa iyong penalty niya dahil nga sa voluntarily na sumuko siya sa atin at pwede rin siyang magmotion nalang, pwede rin sa provision,” dagdag pa nito.

Sa ngayon, si Ebidag ay nasa kustodiya ng 2nd SOU-MG Headquarters at haharapin ang kaso nito.

Previous articleFree Wi-Fi, Tech4ED center, itinayo ng DICT sa Kalayaan municipality sa West Philippine Sea
Next articleApat na bagong kaso ng COVID-19 naitala sa Española