Isang magsasaka sa bayan ng Narra ang naaresto ng mga awtoridad dahil sa pananakit sa kanyang kinakasama, Huwebes ng umaga.
Naaresto ng mga awtoridad sa Zone 1, Barangay Princess Urduja ang magsasakang si Manuel Perez Laxamana, 39, residente rin ng nasabing lugar.
Ayon kay P/Maj. Romerico Remo, hepe ng Narra Municipal Police Station (MPS), naaresto si Laxamana sa bisa ng warrant na iginawad ni Judge Arleen Guillen, presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 13-FC noong ika-28 ng Hulyo na may kaukulang bail bond na nagkakahalagang P16,000.
Dagdag pa ng hepe, ang kasong naisampa sa suspek ay paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act. Hindi naisalaysay ni Remo ang buong nangyari ngunit kanyang kinumpirma na ang kaso ay dahil sa pananakit ng suspek sa sarili nitong kinakasama.
Ang operasyon ay isinagawa ng Narra MPS, sa pangunguna ni Remo katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU), sa pangunguna ni P/Maj. Grace Vic Gomba, at ng intel operatives ng 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) na pinangunahan naman ni P/Lt. Erlindo Ytac.