SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Nakapagtala ng walong COVID-19 recovered patient sa bayan na ito ang Municipal Health Office (MHO), kung saan anim ay nagmula sa Barangay Pulot Center at dalawa naman mula sa Brgy. Pulot Shore, noong araw ng Linggo, May 16.
Samantala, kaparehong araw din ay nakapagtala naman ang MHO ng bagong kaso na isang 52 taong gulang na babae mula sa Pulot Center. Sa kabuoan, limang aktibong kaso ng COVID-19 ang sa ngayon ay binabantayan sa kanilang isolation facility.
Sa panayam ng Palawan News kay municipal health officer Dr. Rhodora Tingson, Lunes, May 17, sinabi niyang ang bagong naitalang kaso ay isang “unrelated case” sa mga naunang kaso nito naitala.
“Symptomatic po ang bagong naitala natin, naka-confine na siya since May 13 sa ating government hospital,” ani Tingson. “Sa naiwan nating 4 cases, tatlo sa kanila ay nasa ating isolation facility at ang isa ay sa hospital,” dagdag ni Tingson.
Samantala patuloy ang panawagan ng MIATF sa lahat ng siyam na barangay na sundin pa rin ang mga minimum public health standards na nakapaloob sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) para sa banta ng COVID-19.
Nagpapatuloy din ang mahigpit na implementasyon ng Municipal Police Station (MPS) katuwang ang mga barangay tanod sa mismong poblacion ng curfew hours tuwing alas dyes ng gabi hanggang alas singko ng madaling-araw para maiwasan ang paglabas ng mga residente sa gabi.
“Tuloy-tuloy po ang pagbabantay namin sa mga kabayanan natin dito sa sentro ng Pulot Center,tuwing gabi 10pm nagiikot tayo kasama po mga tanod natin sa barangay for curfew implementation sa pagiwas pa rin sa lahat sa covid19,” pahayag ni Punong Barangay Abner Tesorio ng Pulot Center.
