Inaresto ng mga awtoridad ang walong mangingisda sa karagatan malapit sa Sityo Green Island, Barangay Tumarbong, Roxas na lulan ng dalawang bangka dahil sa paglabag sa batas na nagbabawal sa paggamit ng air compressor noong hapon ng Pebrero 7.
Ang mga inaresto ng mga operatiba ng Roxas Station ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bantay Dagat ay kinilalang sina Ariel B. Delos Santos, Rexie P. Punsalan, Jomar P. Villanueva, at Elmer B. Delos Santos ng bangkang MBca Alvincent at George V. Escarda, Jeffrey P. Arimala, Reynelo B. Gavia, Raymart R. Rocillo ng MBca JeepJeep.
Sa spot report ng Coast Guard District Palawan (CGDPal), sinasabing nakatanggap ang kanilang istasyon sa Roxas ng ulat mula sa isang concerned citizen sa lugar kaya agad silang bumuo ng grupo at nagsagawa ng inspeksyon kung saan natagpuan ang mga illegal fishing paraphernalia sa dalawang nabanggit na bangka.
Mula sa Alvincent ay kinumpiska ang isang unit ng compressor tank, improvised fins, flashlights at fishnets na nagkakahalaga ng P94,800 sa kabuoan.
Sa JeepJeep naman ay isang unit ng compressor engine din, spear gun, flashlights. at compressor hose at iba pa na may halagang P86,000.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa municipal fishery code ng Roxas at pinagbabayad ng penalty. Ang mga nakumpiskang gamit ay nasa pag-iingat na ng Bantay Dagat.



