Walong indibidwal na wanted sa batas, kabilang na ang isang senior citizen, ang inaresto sa isinagawang operasyon ng 2nd Operations Unit-Maritime Group (2nd SOU-MG) sa Purok Uliran, Barangat Panacan, Narra, Palawan, noong Huwebes ng hapon, Abril 1.
Ang mga suspek ay kinilalang sina alyas Cristobal, 44; alyas Johnny, 35; alyas Dennis, 30; alyas Bobby, 57; alias Ronnie, 44; alyas Jerry, 41; alyas Benjie, 33; at alyas James, 61, lahat ay mga residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat ng 2nd SOU-MG, hinuli ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10654 o Philippine Fisheries Code of 1998 na inilabas ni Judge Melissa Grace Tanco Perola ng Narra Municipal Circuit Trial Court (MCTC), kalakip ang inirekomendang P36,000 na piyansa bawat isa para sa kanilang pansamantalang kalayaan noong March 30, 2021.
Dagdag pa rito, noong nakaraang taon pa nahuli ang mga suspek sa pagsasagawa ng iligal na gawain subalit agad ding nakalabas ng piitan.
“Nahuli na namin sila noong September 2020 sa illegal fishing activity in violation of RA 10654 and then regular filing lang ang ginawa kaya nakalaya agad sila. Nalabasan sila ngayon ng warrant of arrest nito lang March 30 at iyon nilakad ng mga operatives natin kaya nahuli sila doon sa Narra,” pahayag ni P/Lt. Anna Viola Abenojar, tagapagsalita ng 2nd SOU-MG.
Ayon pa kay Abenojar, hindi naman nagtago ang mga suspek sa mga awtoridad dahil inaasahan din nila na sila ay makakasuhan ngunit hindi lang alam kung kailan, kaya hindi na rin tumakas ang mga ito.
“Hindi naman sila nagtago at hindi naman natin pwedeng hulihin ng walang warrant of arrest. Magkakapitbahay lang sila, dalawang bangka ang nahuli kaya sabay-sabay rin silang naaresto. Nahuli sila dahil sa surveillance ng mga operatives natin kung nandoon ba talaga sila sa area, at iyon nga, hindi naman sila umalis,” dagdag pa ni Abenojar.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng 2nd SOU-MG headquarters at nakatakdang dalhin sa korte sa Lunes.
