Walong bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa bayan ng Roxas ngayong araw ng Biyernes, Mayo 7, ayon sa Municipal Health Office (MHO).
Ayon kay Dr. Leo Salvino, municipal health officer ng bayan, ang mga bagong kaso ay kinabibilangan ng tatlong lalaking edad 20, 51, at 47 na nagmula sa Barangay 2, isang 32 taong gulang na lalaki mula sa Brgy. New Barbacan, isang 41 taong gulang na lalaki mula sa Brgy. 4, isang 81 taong gulang na lalaki mula sa Brgy. 1, at dalawang babaeng 50 taong gulang mula sa Brgy. 1 at 43 taong gulang mula sa Brgy. 4.
“We have 8 new active cases today, kaninang umaga lang natin natanggap ang positive swab test results nila,” pahayag ni Salvino
Ang walo ay isinailalim sa rapid antigen test (RAT) noong araw ng Lunes at nag-positibo ang mga ito. Agad na dinala sila sa isolation. Araw ng Martes ay kinunan sila ng swab sample para sa RT-PCR test, at ngayong Biyernes natanggap ng MHO ang resulta ng mga ito. Sinabi din ni Salvino na ang ilan sa kanila ay may sintomas.
“Naka-isolate silang lahat sa medicare hospital at tuloy-tuloy naman ang contact tracing simula noong Lunes, pagkatapos mag-positibo sa antigen testing. Lahat sila considered as local case,” dagdag ni Salvino
Ayon pa sa kanya, kailangan doblehin ang pag-iingat, ngayong tumataas na ang bilang ng active cases sa bayan. Hinihikayatin din niya ang mga mamamayan na magkusa na lamang lumapit sa mga authorities kung alam nilang isa sila sa mga direct contact ng mga ito.
“Kung alam nila sa sarili nila na close contact sila ipaalam na agad nila sa amin, mag isolate na agad sila, magreport sa authorities para hindi na dumami at makahawa pa, at para agarang ma-isolate sila at ma-test,” paliwanag ni Salvino
“Paulit-ulit na pakiusap, iwasan munang lumabas ng mga bahay kung di naman kinakailangan, lalo na wag muna pumunta sa Puerto kung hindi naman importante ang lakad o emergency. Iwasan munang mag-umpukan at magkwentuhan na walang proteksyon o face mask, panatilihin ang social distancing,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan ay may 11 aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Roxas.
