Aabot sa 900 na alagang aso at pusa ang nabakunahan kamakailan sa isinagawang one-time big-time na pagbabakuna sa bayan ng Narra ang Provincial Veterinary Office (ProVet) ng pamahalaang lalawigan bilang pag-alala at pakikibahagi Rabies Awareness Month ngayong Marso.
Ayon sa ulat ng Provincial Information Office (PIO), nangyari ito noong Marso 4-18 sa pakikipagtulungan sa ProVet ng Municipal Agriculture Office at mga Barangay Vet Aides sa naturang bayan, kung saan nasa 53 na alagang hayop din ang kinapon.
Ayon kay Dr. Darius P. Mangcucang, OIC ng PVO, mahalaga ang pagbabakuna sa mga alagang hayop laban sa rabies dahil ito ay nakamamatay, hindi lamang sa mga hayop kundi pati na rin sa mga tao.
“Walang gamot ang rabies, kaya ang pinakamainam dito ay ang pagbabakuna na nagbibigay ng matatas na anti-bodies sa katawan ng mga alagang hayop na lumalaban sa virus sa panahong ma-infect ang mga ito,” pahayag niya.
“Ang pagkakapon naman ay makatutulong sa pagkontrol ng mabilis na pagdami dahil sa hindi kontroladong breeding activities ng mga ito,” dagdag ni Dr. Mangcucang.
Samantala, patuloy ang One-Time Big-Time Rabies Prevention Program ng PVO na may layuning maikot ang mga bayan upang makapaghatid sa kanila ng serbisyo.
