ODIONGAN, Romblon — “Walang election hotspot sa lalawigan ng Romblon,” ito ang pahayag ni Police Brigadier General Tomas C. Apolinario Jr., ang director ng Police Regional Office sa MIMAROPA.
Sa panayam ng mga lokal na mamamahayag kay Apolinario, may mga natukoy na election hotspot sa rehiyong MIMAROPA ngunit ito ay matatagpuan aniya sa Palawan at Oriental Mindoro.
Dagdag pa ni Apolinario, tahimik naman ang lalawigan ng Romblon at patuloy namang nakabantay ang mga tauhan ng Romblon Police Provincial Office (RPPO) sa pangunguna ni Police Colonel Arvin T. Molina.
Magugunitang nauna nang napabilang sa listahan ng mga lugar na election hotspot ang bayan ng Roxas, Oriental Mindoro kung saan napatay ang incumbent vice mayor ng bayan na si Jackson Cinco Dy noong 2017.
Siniguro ng opisyal na ang mga itinuring na election ‘hotspots’ sa rehiyong Mimaropa ay tututukan ng PNP at kung kinakailangan ay magde-deploy sila ng karagdagang pwersa para magbantay dito. (PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)