Rerespetuhin ni Vice Mayor Norman Ong ng bayan ng Rizal ang naging desisyon noong Martes (October 13) ng committee of the whole ng Sangguniang Panlalawigan (SP) na i-dismiss ang mga reklamong kanyang isinampa laban sa kanilang mayor na si Otol Odi dahil walang “merit” ang mga ito.
Sa panayam ng Palawan News kay Ong, araw ng Miyerkules, sinabi niya na hindi pa niya natatanggap ang kopya ng desisyon matapos itong ilabas ng committee of the whole.
“Ang desisyon nila sa inihain nating kaso ay, of course, rerespetuhin natin yon dahil yon ay pinag-aralan naman nila,” sabi ni Ong.
“Pero dahil wala pa nga ang kopya natin hindi rin natin alam kung may kulang sa mga substance o laman ang mga reklamo natin laban kay Mayor Otol Odi,” dagdag ni Ong.
Ayon kay Ong, wala pang naiisip gawin dahil hindi niya pa nakikita ang kopya mismo ng desisyon ng SP.
Matatandaang noong September 11 ay naghain ng mga iba’t-ibang kasong administratibo si Ong laban kay Odi. May kaugnayan ang mga ito sa mga reklamong two counts of gross negligence, serious dishonesty, falsification of documents, three counts of grave misconduct and grave of abuse authority.