Viral ngayon sa Facebook ang video na ito na nai-post ng netizen na si Zenaida Castro sa kanyang Facebook noong Martes. Kuha diumano ito noong Abril 28 sa isla ng Tigkawayan na sakop ng Barangay Cocoro sa bayan ng Magsaysay kung saan makikita ang ilang residente na may dalang mga itak, patalim, at pamalo para pigilan ang pagpasok ng mga nakasakay ng bangka.
Ayon kay Cocoro barangay captain Reynante Palao sa panayam ng Palawan News, umaga ng Miyerkules, isa siya sa sakay ng bangka, si Stimson Salazar, anak ni Salazar, at tanod na pinagbabantaang saktan ng mga residente kung aapak sa Tigkawayan noong araw na iyon.
“Parating pa lang kami, nakaabang na sila, pinagmumura nila kami, ako, sinasabihan nila akong gago, baboy, at ilan pang masasakit na salita. May mga dala silang itak, kaya tumakas na lang kami kasi gusto pa nilang butasin ang bangka namin, baka mamatay pa kami doon,” pahayag ni Palao.
Ipinaliwanag niya na ang pakay ng mga residente diumano ay ang mga Salazar na nakabili ng lupa sa Tigkawayan. Sabi ni Palao, sumama siya kay Salazar sa pagpunta sa nasabing islan upang alamin kung totoo na pinuputol ng mga residente ang mga punong kahoy sa loob ng kanyang lupain upang gawin na uling.
Una na rin umano na nagsampa ng kasong grave threat ang mga residente laban kay Salazar subalit ito ay na-dismiss ng korte dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Sa post naman nang nag-upload ng video na si Castro, sinasabi niya na ang Cocoro at Tigkawayan ay ibinibenta sa Marketplace sa Facebook ngunit ito ay hindi alam ng mga residente.
Aniya, humihingi sila ng tulong kay Raffy Tulfo upang mahuli ang tao sa likod ng pagbebenta ng lupa. “Kitang-kita sa video na ang mga tao ay galit na galit kay Salazar at kap Reynante sapagkat ang akala nilang syang tutulong sa kanilang lugar ay sya rin palang magbebenta ng isla,” pahayag ni Castro.
