Pormal nang naghain ng kandidatura si incumbent Vice Governor Dennis Socrates bilang pagka-gobernador at si incumbent Board Member Leoncio Ola bilang Vice Governor para sa lalawigan ng Palawan.

PUERTO PRINCESA CITY, October 2, 2021—Naghain ngayong araw si Vice-Governor Victorino Dennis Socrates ng kanyang Certificate of Candidacy (CoC) bilang kandidato para Gobernador ng lalawigan ng Palawan sa darating na halalan sa May 9, 2022.  Ang nasabing CoC ay personal na isinumite ni Socrates sa tanggapan ng Provincial Election Supervisor ng COMELEC sa Salvador P. Socrates Government Center, lungsod na ito.  Si Socrates ang official candidate ng Partidong Pagbabago ng Palawan (PPP) para sa nasabing posisyon. 

Sa kanyang “acceptance speech” o pangtanggap ng nominasyon bilang kandidato para gobernador, sinabi ni Socrates na dala-dala niya mula pa noong una siyang lumahok bilang kandidato sa pulitika ang adhikain ng Good Governance.  Binigyang-diin din niya ang mga konsepto ng Serbisyo, Progreso, at Sambayanan, bilang mahahalagang sangkap nito.

Ayon kay Socrates, ang panunungkulan sa pamahalaan ay Serbisyo; nangangahulugang hindi para sa pansariling kapakanan, kundi pag-aalay ng sarili, ng isip at gawa, kakayahan at panahon, ng buong pagkatao ng pulitikong nanunungkulan, para sa kapakanan ng lahat. “Public office is a public trust,” ani Socrates, “at hindi natin bibiguin ang ating mga kababayan sa tiwalang ipinagkaloob sa atin kung sakaling mahalal”.

Ilan sa mga miyembro ng Partidong Pagbabago ng Palawan (PPP) ang kasabay na naghain ng kanilang kandidatura sa Provincial COMELEC. [L-R] Marivic Roxas, tatakbo bilang 2nd District Board Member; Leoncio Ola, incumbent Board Member ng 1st District; incumbent Vice Governor Dennis Socrates; at Roseller ‘Toto’ Pineda tatakbong Board Member ng 1st District.

Sinabi rin ni Socrates na nasa sentro ng kanilang pilosopiya de gobyerno ang Progreso—pagsulong o kaunlaran—tungo sa “kabutihang panlahat” (common good).  Nilinaw din niyang ang pag-unlad na tinutukoy nito ay “sustainable development” o “pagpataas sa antas ng kabuhayan ng kasalukuyan at mga susunod na salinlahi sa pagtutulungan ng mga gawaing pangkaunlaran at mga gawaing pag-iingat sa kalikasan,” na siyang nakasaad sa Batas Republika 7611 o Strategic Environmental Plan for Palawan (SEP Law). 

“Hindi rin ito tumutukoy lamang sa materyal na aspeto ng buhay ng tao kundi sa kabutihan ng tao bilang tao, integral human development, kabutihan o pagyabong ng buong pagkatao ng bawat tao bilang espiritwal na diwa sa materyal na pangangatawan,” dagdag pa niya. 

Binigyang-diin din ni Socrates ang konsepto ng Sambayanan:  “Tayong mga Palawenyo ay isang komunidad—katutubo ka man o hindi, Palawenyo ka man by birth, by blood, or by choice—lahat tayo ay isang Sambayanang kung tutuusin, pinagbubuklod ng pag-ibig—na kung sa nakaraan ay nagkawatak-watak sa hindi pagkakasundo; at sa harap ng mga pasanin sa kasalukuyan, ngayon ang panahon upang magkaisang muli, paghilumin ang mga sugat na dulot ng hindi pagkakaunawaan; ngayon ang panahon upang magtulungang muli.  Lahat tayo ay kasali sa Palawan Progress; lahat tayo ay stakeholders, dapat maging bahagi sa usapan ng pagsulong ng Palawan”.

Sa pagtatapos ng kanyang pananalita, sinabi ni Socrates na ang mensahe ng kanilang line-up ng mga provincial candidates ay “Serbisyo, Progreso, Sambayanan” o SPS—mga inisyal na letra ng pangalan ng kanyang ama, si dating Gobernador Salvador P. Socrates, na namatay habang nanunungkulan noong July 2, 2000, sa isang plane crash sa karagatan ng bayan ng Cagayancillo.  Matatandaang si Gob “Badong” ay nakilala rin bilang tagataguyod ng kaunlaran, at naging bukambibig ng kanyang administrasyon ang “Sulong, Palawan, Sulong!”

Kasama ni Dennis sa pagtungo sa tanggapan ng COMELEC si Board Member Onsoy Ola, na nagsumite ng kanyang CoC para Bise-Gobernador; at sina Marivic Roxas (mula sa Ikalawang Distrito ng Palawan) at Toto Pineda (mula sa Unang Distrito), na nagsumite rin ng kanilang mga CoC para Board Member, pawang mga official candidate ng PPP. 

Si Ola ay nasa ikatlong termino niya bilang Board Member; samantalang sina Roxas at Pineda ay kapwa nagtapos ng kanilang tatlong termino bilang Board Member noong taong 2019 at ngayon ay inaasahang makababalik sa Sangguniang Panlalawigan.  Inaasahang magsumite ng kanilang mga CoC ang iba pang mga official candidate ng partido sa darating na mga araw, bago lumipas ang October 8, na siyang huling araw na itinakda ng COMELEC.

About Post Author

Previous articleLalaki nasawi matapos tagain sa bayan ng Sofronio Española
Next articleMga supporter ni Mayor Sara Duterte para kumandidatong pangulo nagsagawa ng motorcade sa Sofronio Española