(Photo courtesy of PIO-Palawan facebook page)

Isinailalim sa tatlong araw na pagsasanay ang mga Barangay Veterinary Aide (BVA) sa bayan ng Bataraza noong nakalipas na linggo upang mas maging epektibo bilang suporta sa pangangalaga ng mga hayop at maging mas maayos ang pagsasakatuparan ng kanilang mga tungkulin bilang veterinary workers.

Ang pagsasanay na isinagawa noong Oktubre 19-21 ay pinangasiwaan ng Provincial Veterinary Office (ProVet) kung saan, may kabuuang 26 BVA ang lumahok, ayon kay Dr. Darius Mangcucang, ang officer-in-charge ng naturang tanggapan ng provincial government.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ang Rabies Elimination Program (REP), Swine Ruminants and Poultry Production, at ang health management ng mga alagang hayop at maging ang iba’t ibang uri ng sakit na maaaring makuha ng mga hayop at ang mga lunas sa mga ito.

- Advertisement -

Tinuruan din sila ng tamang pagsasagawa ng deworming at vitamin supplementation para sa mga kambing, castration sa mga baboy, at pagtuturok ng anti-rabies sa mga aso.

Ayon Dr. Mangcucang, ang mga BVA ay extension ng kanilang tanggapan dahil katuwang nila ang mga ito upang maipalaganap ang tamang kaalaman sa pag-aalaga ng mga hayop at pagkakaloob ng libreng serbisyo para sa mga ito.

“Yung training na yan ay makatutulong sa kabuhayan ng mga taga-Palawan lalo na sa paghahayupan. Kasi yung mga trained na Barangay Vet Aide, sila ‘yung maaasahan ng mga nasa livestock farming sa kani-kanilang barangay na makapagbibigay ng lunas sa mga hayop na maysakit, at pagbibigay ng bitamina, sa patnubay namin bilang veterinarian ng probinsya ng Palawan,” pahayag ni Mangcucang.

Samantala, nagkaloob din ang ProVet, katuwang ang Animal Health Services, ng mga libreng serbisyo sa ilalim ng Livestock Production program kabilang ang oral deworming, vitamin supplementation, massive pregnancy diagnosis, artificial insemination sa mga alagang hayop sa buong lalawigan ng Palawan.

Previous articleMga katutubo sa bundok ng Ipilan, lumikas matapos magkaroon ng landslide
Next articleNasirang footbridge sa isang barangay sa Narra, pinagtulungang ayusin ng mga residente
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.