Magpapatuloy ngayong ikatlong linggo ng Hunyo ang vaccination rollout ng Municipal Health Office (MHO) sa bayan ng Rizal upang makumpleto na ang mabibigyan ng bakuna laban sa COVID-19 sa kanilang priority list.
Sa datos na ibinigay ng MHO sa Palawan News, 815 ang kabuuang health frontliners habang 3,207 naman ang senior citizens na nasa kanilang listahan ng prayoridad na bibigyan ng bakuna.
Nitong araw ng Miyerkules, Hunyo 16, ay nabigyan ng second dose ng AstraZeneca ang mga health frontliners mula sa mga barangay ng Punta-Baja at Campong Ulay, habang sa June 18 naman ibibigay ang second dose ng health frontliners sa Brgy. Candawaga.
Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Kathreen Luz Micu, ang tatlong barangay ay may kabuuang bilang na bilang 68 frontliners na nakatakdang makumpleto ang second dose ng bakuna.
“Tuloy-tuloy ang massive vaccination natin, patuloy pa rin ang paghikayat natin sa mga kababayan natin lalong-lalo na po sa mga senior citizen,” pahayag ni Micu.
Mula nang magsimula ang vaccine rollout noong buwan ng Abril ay nakapagbigay na ng unang dose ng 1,210 AstraZeneca at 304 Sinovac sa frontliners, senior citizens at mga may comorbidities na nasa priority list ng bayan, samantalang 259 naman ang nabigyan na ng ikalawang dose ng mga bakunang nabanggit.
“Mayroon tayong naunang 191 vaccinated na, 97 ang AstraZeneca at 94 angSinovac. Susunod na rito ang second dose sa Punta-Baja, Campong Ulay at Candawaga,” ani Micu.
Samantala, sa pinakahuling daily tracker bulliten ng MHO, mayroon siyam na active cases ng COVID-19 at 35 naman ang suspected cases.
