Ang rollout ng second batch ng Sinovac vaccination sa bayang ng Magsaysay.

Umabot na sa 930 ang kabuuang bilang ng nabakunahan sa isinagawang vaccination rollout sa bayan ng Roxas, ayon sa huling ulat na inilabas ng Municipal Health Office ngayong araw ng Huwebes, Hunyo 3.

Ito ay matapos ang isinagawang pagbabakuna ngayong araw kung saan, 50 senior citizens mula sa Barangay Tagumpay ang nabigyan ng kanilang second dose, ayon kay Dr. Leo Salvino, municipal health officer ng Roxas.

Maliban dito, nauna nang nabigyan ng unang dose ng bakuna ang 277 frontliners at 435 senior citizens, samantalang 168 frontliners naman ang nabigyan na ng pangalawang turok sa vaccination rollout ng bayan na nagsimula noong Mayo 27.

Paliwanag pa ni Salvino, mas marami pa sana ang nagnanais magpabakuna ngunit hindi naman sapat ang supply na dumarating sa kanila.

“500 pa lang ang dumating sa Roxas. Kakaunti lang. para sa seniors pa lang yun. Marami pang gusto magpabakuna kaya lang kulang naman ang vaccine,” aniya.

Ayon pa kay Salvino, ang target na mabakunahan sa bayan ng Roxas ay lahat ng nasa edad 18 pataas at kung susumahin ang 70 per cent ng population ng bayan ay nasa 35,000 indibidwal ang kailangan mabakunahan.

“Sa dalawang turok kada tao, 70,000 doses ang kailangan” aniya.

Dagdag pa niya, kung ganito kabagal ang dating ng supply ng bakuna ay malabong maabot nila ang kanilang target sa taong ito.

“Wala pa atang 5 percent ito kumpara sa target natin. Kasi kung ilan lang available na vaccine, yun lang din naibibigay namin,” paliwanag niya.

“Umaasa pa rin kami na sana ay bilisan ng probinsya ang pagdala ng mga supply ng bakuna lalo na ngayong pataas nang pataas ang kaso na naibabalita sa atin,” dagdag pa niya.

Samantala sa bayan naman ng Magsaysay, isinagawa rin nitong araw ng Miyerkules at Huwebes, Hunyo 2-3, ang rollout ng second batch ng Sinovac vaccination kung saan, 200 indibidwal kabilang ang mga frontliners, senior citizens, persons with comorbidities at economic frontliners ang nakatanggap.

Ayon kay Melanie Parangue, public health nurse/surveillance officer ng municipal health office, 400 doses ng Sinovac vaccine pa lang ang dumating sa bayan na nakalaan para sa nabanggit na mga indibidwal.

Himutok din ni Parangue, mabagal ang pagdating ng supply ng vaccine sa kanilang bayan kaya mabagal din at mababa ang bilang ng nabakunahan.

Ipinaliwanag naman niya na maraming magiging advantage kapag may bakuna laban sa COVID-19 virus.

“Mas panatag kaming mga health workers na mayroon na kaming proteksyon laban sa COVID. Nabawasan na ang aming  pangamba na maaring may dala kaming sakit o virus sa tuwing uuwi kami sa aming pamilya lalo na pag galing sa trabaho,” pahayag ni Parangue.

“Nagpapasalamat  kami sa support ng aming LGU sa vaccination. At doon naman sa mga hindi pa nababakunahan sana pag marami nang supply ng bakuna dito sa atin samantalahin nila na magpa-inject para sa proteksyon nila dahil libre nman itong binibigay ng gobyerno. Huag sila matakot magpaturok  at huwag basta basta maniniwala sa mga balita na nababasa at naririnig na nakakamatay ang bakuna,” dagdag niya.

Previous article260 coconut farmers sa Cuyo rehistrado na sa NCFRS ng PCA
Next articleSolon calls for probe of public bidding on gov’t ports
is the correspondent of Palawan News in San Vicente, Palawan. He also covers politics, government policies, tourism, health and sports. His has interest in travelling and exploring different places and food.