Magsusulong ng isang malawakang summit si incumbent Vice Governor at gubernatorial candidate Victorino Dennis M. Socrates na tatawaging ‘Usapang Palawan’.
Ito ang kaniyang kinumpirma sa interview ng ‘Share Mo Nao’ radio program matapos na itanong sa opisyal kung ano ang kaniyang mga plataporma de gobyerno sakaling maihalal na gobernador ng lalawigan.
Sinabi ng bise gobernador na ang mga mabubuong solusyon sa mga matatalakay na problema ng bawat pamayanan sa lalawigan ang siyang magiging batayan ng mga programa at proyektong nararapat na ipatupad at tututukan ng kaniyang magiging administrasyon.
“If I get elected, ang unang gagawin kong akto [hakbang] ay magpatawag ng summit, because I feel, what this province badly needs is an ‘honest to goodness conversation’, so, kailangang magpatawag ng isang malakihang pulong at pag-usapan sa malalim na paraan, maglaan ng oras upang pag-usapan ang ating major concerns, marinig ang lahat ng sektor kung ano ang solusyon na gusto nating tahakin, and that will be the basis for programming in the next several years kung tayo ang mahahalal,” ani Socrates.
Hangad ni Socrates na tatagal ng isang linggo ang magiging pag-uusap ng 300 target na bilang ng mga partisipante na kumakatawan sa lahat ng sector sa lalawigan.
Dagdag pa niya, mas magiging epektibo ang kaniyang magiging pamahalaan kung naaayon sa pangangailangan ng bawat munisipyo sa lalawigan ang kaniyang tututukan at bibigyang prayoridad.
Binigyang diin din ng bise gobernador ang kaniyang ‘battle cry’ na “Serbisyo, Progreso, Sambayanan” na siyang magiging sentro ng kaniyang panunungkulan na aniya ay hango sa isang matuwid na pamamahala.
Samantala, ibinahagi rin ng bise gobernador ang isa sa mga pinaka-importanteng aral na nakuha niya sa kaniyang yumaong ama na si dating governor Salvador ‘Badong’ Socrates ang pagtayo sa mga responsibilidad sa bawat desisyon nito sa buhay, maging ang mga tungkulin at pananagutan nito bilang lider ng pamahalaan.
