Mga residente ng bayan ng Quezon sa southern Palawan ang tatlong suspek sa robbery incident na nangyari sa Purok Pagkakaisa, Brgy. San Jose, dito sa lungsod noong gabi ng February 1, ayon sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Ayon sa tagapagsalita ng PPCPO na si P/Lt. Col. Mark Allen Palacio, puspusan ang ginagawa nilang hot pursuit operation para mahuli ang tatlong kasamahan na ang isa ay aksidenteng nakabaril at nakapatay kay Telesforo Hermoso Jr.
Sa kanyang pahayag sa Palawan News, nakikipagtulungan rin sa kanila ang Palawan Police Provincial Office (PPO) para madakip ang tatlong nakatakas noong maganap ang pangho-holdup sa Ohwhens and Whitney Carenderia na pagmamay-ari nang nanlaban na biktima na si Wilross Balagulan Tecson.
Aniya, tukoy na nila kung sino ang mga ito dahil may mga witness na tumulong para sila ay agad na madakip at upang mapigilan na sila ay mayroon pang biktimahin.
“As of this time, ang mga pulis ng Police Station 1 (PS 1) at ang Intelligence Unit (IU) ng headquarters ay nagpa follow-up na sa possibility na makuha ang other three men na involve doon sa robbery incident. Halfway na identify na natin sila base sa witnesses natin na nakatulong sa atin. We are positive na makukuha natin ang mga ‘yan,” pahayag nito.
“Itong suspek na namatay, positive naman, at na-identify ng asawa niya. Also he has previous record naman sa Quezon, Palawan,” dagdag ni Palacio.
Ayon pa kay Palacio, sa pahayag ng asawa nang napatay na si Hermoso, bago ang insidente nang pangho-holdup noong Miyerkules ng gabi ay may mga lalaking regular na bumibisita sa kanilang bahay. Ngunit hindi nito tiyak kung ang mga ito rin ba ang kasama ng asawa.
Base naman sa impormasyon na kanilang natanggap mula sa Quezon Municipal Police Station (MPS), si Hermoso ay sangkot sa mga kasong slight physical injury at maltreatment.
Bagama’t tumanggi muna ang PPCPO na ilabas ang pagkakakilalan ng tatlo pang suspek, hindi naman nila inaalis ang posibilidad na may kinalaman ang nga ito sa ilang mga robbery incident sa munisipyo at mga kalapit na bayan.
“We are looking into that, kasi we cannot deny the fact na there were many incidents naman outside PPC , which involved [the] same modus, mode of operation. Robbery with the use of force of entry, intimidation doon sa mga biktima, which is yung paggamit ng firearm. Kung titingnan, pareho naman, pero mas maganda, may mga narecover naman kami na mga empty cartridge. Ipapacheck din natin yan sa crime lab,” pahayag ni Palacio.
“Kung yung firearm, yung empty catridge is pareho doon sa mga narecover sa mga past robbery incidents sa labas ng Puerto Princesa City, we can establish link na iisa lang ang grupo. Iyon ay kung magpapositive ang gagawing examination,” dagdag nito.
Base sa CCTV footage na nakuha mula sa karinderya, isang kutsilyo at tatlong firearms ang naiputok ngunit ilan dito ay hindi gumana [o nagpalya] noong execution ng robbery.
Matapos din na matangay at makipagpambun si Tecson, mabilis nang tumakas ang mga suspek. Ang isa ay patungo sa bahagi ng Tagburos, habang ang tatlo kasama ang noon ay may tama na ng baril na si Hermoso ay patungo sa Santol Road. Doon na bumagsak si Hermoso malapit sa kanyang motorsiklo.
Pahayag pa ni Palacio, bagama’t ang lumalabas na dahilan ay robbery, hindi nila inaalis sa imbestigasyon ang naging statement ni Tecson na may mga naging kaalitan ito.
Kung sakali man na hind makuha ang mga suspek sa ngayon, at kung bibigyan sila ng timeline, pahayag ni Palacio ay sa isang linggo ay mapapasakamay sila ng pulisya.