Binawian na ng buhay si PO3 Rodelph Saldajeno, ang pulis na biktima ng pamamaril Martes ng hapon sa Barangay Puntabaja, bayan ng Rizal.
Kinumpirma ito sa Palawan News ni Police Senior Inspector Ric Ramos, ang tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (PPPO).
Nakausap ng Palawan News si Ramos matapos nitong manggaling sa Palawan Adventist Hospital (PAH) kung saan naka-confine si Saldajeno para sa emergency treatment.
“Oo, patay na. Hindi ko pa masabi kung anong oras, kasi declared na ng Adventist pero hindi ko pa nahahawakan ang report. Galing ako ng hospital, inaantay pa namin ‘yong full report,” ayon kay Ramos.
Ayon sa pahayag ng immediate pastor ni Saldajeno na si Herminigildo Lusoc, binaril ito malapit mismo sa Rizal Municipal Police Station (MPS) pagkatapos ihatid ang anak sa eskwelahan.
Sabi ni Lusoc, nakatakbo pa ito sa istasyon ng pulis sa Rizal matapos ang pamamaril na nagdulot ng seryosong sugat sa katawan mula sa tama ng bala.
“Naghatid siya [sa school] ng anak niya, pabalik na siya ng office, papunta siya ng office. Mag-isa lang siya, naka-motor siya. ‘Yong bumaril sa kanya naglalakad lang. Nakatakbo po siya, nakarating pa siya ng istasyon ng police. Mga kasama niya ring police ang nagdala [sa kaniya] dito sa ospital. Hinabol ng mga pulis ang [bumaril sa kaniya] kaya lang nakatakbo,” ayon kay Lusoc.