Isang unity walk at covenant signing ang dinaluhan ng mga lokal na kandidato sa bayan ng Bataraza, sa pangunguna ng Bataraza Municipal Police Station (MPS) at Municipal Election Office (MEO) ng Commission on Elections (COMELEC), noong araw ng Martes, Pebrero 22.
Ganap na 6:00 ng umaga ay sama-samang naglakad sa Bataraza Town Center ang mga kandidato kasama ang miyembro ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), Bataraza MPS, Municipal Fire Station, iba pang ahensiya ng gobyerno at religious sector na pinangunahan ni Fr. Joseph Arvi Hernandez.
Pagkatapos ng unity walk ay isang maikling programa ang isinagawa para sa covenant signing kung saan, nanawagan si Alpha Sobrepeña, acting municipal election officer ng bayan, para sa mapayapa, malinis at tapat na pangangampanya simula sa Marso 25 at sa mismong araw ng sa darating na Mayo 9.

“Peaceful and clean election ang panawagan natin sa kanila at payapang pangangampanya upang magkaroon ng tapat na halalan sa bayan ng Bataraza,” pahayag ni Sobrepeña.
Dagdag ni Sobrepeña, umaasa rin siya na magkakaroon ng mapayapang pangangampanya at halalan sa bayan dahil walang kalaban ang mga kandidato sa pagka mayor at bise-mayor, samantalang 16 lamang ang maaglalaban-laban para sa Sangguniang Bayan.
