Ang paglagda sa Integrity Pledge ng mga kawani ng COMELEC, PNP at mga kumakandidato sa May 2022 election. (Larawan mula sa 1st PPMFC)

Isang unity walk at covenant signing para sa mapayapang pagdaraos ng halalan sa darating na May 9 ang isinagawa sa bayan ng Sofronio Española na pinangunahan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ngayong araw ng Martes, Pebrero 15.

Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga kandidato sa lokal na posisyon sa bayan, na sinimulan sa pamamagitan ng paglalakad mula sa municipal grounds patungo sa Municipal Convention Center kung saan, isang maikling programa ang isinagawa na pinangunahan naman ng Comission on Elections (COMELEC-Sofronio Española).

Dumalo rin ang ilang mga opisyal mula sa Department of the Interior and Local Government, Sofronio Española Municipal Police Station, 1st Palawan Provincial Mobile Force Company (1st PPMFC), at mga lider ng religious sector.

Binigyang diin naman ni Arsenio Cabase, pangulo ng PPCRV-Sofronio Española, ang pagbabago bilang sentro ng kanyang mensahe para sa mga kandidato sa darating na halalan.

- Advertisement -

Ayon kay Cabase, mahalaga ang salitang pagbabago para sa mga nais maglingkod sa bayan na isa sa mga dapat na hangarin ng mga nagnanais mamuno sa bayan at mga mamamayan.

“Tumatakbo kayo dahil gusto ninyo magserbisyo at gusto ninyo ng pagbabago. Pero dalawa ang uri ng pagbabago – pagbabago na patungo sa tuwid o pagbabago patungo sa mali o paurong. Saan kayo doon? Dapat alam ninyo, at alam ko na pangarap ninyo ring maglingkod sa taong bayan ninyo,” pahayag ni Cabase.

Dagdag niya, panawagan din ng PPCRV sa mga kandidato na tumatakbo sa Sofronio Española ang mapayapa, malinis at maayos na pangangampanya na nakasentro sa sarili at sa Diyos, na magsisimula sa Marso 25.

Ang bayan ng Sofronio Española ay may limang kandidato bilang mayor, tatlo bilang vice mayor at 27 bilang miyembro ng Sangguniang Bayan.

Previous articleNo more home or facility quarantine for inbound travelers under Alert Level 2 in PPC
Next articleNGOs identify need to perform humanitarian work
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.