Tindahan ng ACSR trading 7th Life Wellness sa loob ng Unitop Mall na umano ay ipinasara ng pamunuan

Masama ang loob ng ACSR Trading 7th Life Wellness sa pamunuan ng Unitop mall kung saan may dati itong puwesto at ayon sa kanila, sila ay sapilitang pinaalis dahil sa umano’y hindi nila pagbayad ng renta sa tamang oras.

Ayon sa ACSR, hindi rin sila binigyan ng kopya ng kontrata para sa puwesto sa mall at mga resibo nang ibinayad nito para sa renta.

Ayon kay Nelson Bayog, store in-charge ng ACSR, nakalagay sa kanilang pinirmahang kontrata sa Unitop na kailangang magbayad ng two months deposit ngunit nagbayad na umano sila ng para sa tatlong buwan kung kaya’t ibig sabihin ay mayroon pa silang sobrang isang buwan na deposito.

“Ang contract po kasi namin ay one year, and mayroon po kaming two months deposit, na hindi pwedeng galawin hanggang hindi natatapos ang kontrata. Nakasaad dito na kapag dalawang buwan na magkasunod na hindi nakapagbayad ay possible na kayong maipasara, at hindi maaaring galawin ang naunang dalawang buwang deposit,” pahayag ni Bayog.

Aniya, delayed pa lamang sila ng 20 days ng payment para sa kanilang puwesto na dapat mabayaran ng May 25, ngunit agad na silang nakatanggap ng notice of temporary closure noong ika-20 ng Mayo, mula kay Maricel Abiao, ang overall in-charge sa mga tenant ng Unitop.

“[Mga] 20 days pa lang kami na-late ng bayad, pinasarado niya na kami agad. Kailangan naming i-settle muna ang babayaran  namin sa kanila dahil kung hindi ay ipapa-temporary closure and posible pa kami na mapatawan ng iba’t-ibang reklamo,” ani Bayog.

Dahil dito, nag-desisyon si Bayog na i-pull out ang ilang mga items niya at ilipat sa kanilang ibang branch.

Dagdag pa rito, inirereklamo din ni Bayog ang aniya’y kawalan ng official receipt o kaya ay acknowledgement receipt man lang ng kanilang ibinayad sa mall, at sa halip ay kapirasong papel lang ang ibinigay.

“Yun din ang hindi ko maintindihan na ilang beses na ako humingi ng resibo  kapag nagbabayad ako, pero sinasabi nya lang na  babalikan n’ya ako,” paliwanag ni Bayog.

Sa panayam ng Palawan News kay Abiao ng Unitop Mall, sinabi nito na ipino-proseso pa lang hanggang sa kasalukuyan ang kanilang official receipt at hinihintay pa mula sa kanilang main office.

“Hindi namin yan idini-deny ‘yang payment nila dahil may deposit slip na kaagad naman yan sa file nila,” pahayag ni Abiao.

Nilinaw din ni Abiao na wala itong sinabing ipapasarado ang puwesto ng ACSR Trading 7th Life Wellness. Posible umanong hindi lang naunawaan ng mga empleyado ng ACSR ang nakalagay sa notice.

“May 20 ko nga ipina-receive ang letter, ang nakasulat sa letter ay temporary closure hangga’t di nila na-settle ang payment na ang nakalagay na petsa ay May 25. Ang nangyari po, naghakot po sila ng items nila na hindi nagpapaalam sa management,” dagdag pa nito.

Inaasahan din ng pamunuan na sasagot ang kumpanya sa ipinadalang notice ng Unitop, ngunit nagulat na lamang sila ng bago mag 25 ng Mayo ay wala ng mga paninda ng ACSR sa kanilang pwesto na napag-alamang una nang nailabas lahat ng mga tauhan nito.

Nakatakdang magharap ang dalawang panig sa barangay kung saan unang nagreklamo si Bayog. Hiling nito na makuha ang mga naiwang gamit sa loob ng mall at maibalik ang kanilang dalawang buwang deposit.

Previous articleBayan ng Taytay pinalawig ang pagpapatupad ng curfew
Next articleAdopting sustainable tourism for the environment
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.