Nanawagan si Mayor Mark Marcos sa mga mamamayan na patuloy na mag-ingat at sumunod sa mga patakaran ng lokal na pamahalaan upang makaiwas sa sakit ngayong panahon ng pandemya. | Kuhang larawan mula sa Atty. Mark N. Marcos and Go-Hearts Development Program

NAUJAN, Oriental Mindoro — Isang pasyenteng nag-positibo sa COVID-19 ang naitala ngayong pagpasok ng taong 2021 sa bayang ito.

Ang pasyente na isang babaeng 18 taong gulang na taga-Brgy. Nag-Iba 2 ay na-admit sa Naujan Community Hospital noong ika-3 ng Enero dahil sa ubo at hirap sa paghinga.

Ayon kay Dr. Emmanuel Hernandez, head ng Naujan Community Hospital, wala munang mga out-patient consultation at pawang mga emergency cases lamang din ang tatanggapin sa nabanggit na ospital dahil may mga staff ng ospital na na-expose sa pasyente.

Sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang contact tracing at disinfection ng ospital. Ayon sa pamunuan ng ospital, ipagbibigay-alam na lamang nila sa publiko kung kailan muli sila tatanggap ng out-patient consultations.

Samantala, nananatili sa kanilang pangangalaga ang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19. Dahil dito, umakyat na sa 37 ang bilang ng mga nag-positibo sa naturang virus sa bayan ng Naujan.

Panawagan ni Mayor Mark Marcos sa mga mamamayan na patuloy na sumunod sa mga tagubilin ng pamahalaan laban sa pandemyang COVID-19.

Isa ang bayan ng Naujan na napakahigpit pagdating sa protocol ng pagpapatupad ng mga kautusan laban sa pandemya. (PIA-OrMin)

 

About Post Author

Previous articleIconic Philippine eagle ‘Pag-asa’ dies
Next articleDating detenido sa provincial jail, nahaharap sa kasong rape