Nabanggit na kanina na isinasagawa ang pammadayaw upang tipunin ang mga tao sa isang marangal na pagpupugay. Sa ating tema na “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino” at pakikiisa sa pagtatalaga ng UNESCO sa taóng 2019 bilang taon ng mga katutubong wika, ano ang dapat nating pagpugayan at ipagparangalan?

Dapat nating ikasiya ang tangkilik na ipinakita sa atin ng Lungsod Maynila, sa pangunguna ni Alkalde Isko Moreno, sa pagbubukas natin ng Buwan ng Wika noong 29 Hulyo 2019. Simbolikong pagbubukas ito na sinimulan ng Maynila kaisa ang buong Filipinas sa pamamagitan ng ating mga Sentro ng Wika at Kultura ng mga State Universities and Colleges (SUCs).

Manabik tayo sa pagbubukas ng pinto ng Senado at Kongreso ng Filipinas sa eksibit nating Filipino Ito! na nagtatampok ng iba’t ibang katutubong salita mula sa iba’t ibang wika ng Filipinas na niyakap na ng ating wikang pambansa.

Dapat manumbalik ang ating pag-asa sa ikinasang Senate Bill 499 ni Senador Vicente Sotto dahil magiging daan ito sa mas masaklaw na paglilingkod natin para sa wikang Filipino.

Magalak tayo tulad ng mga kapatid nating Yogad sa Isabela noong 17 Agosto dahil pinasinayaan natin ang ikalabing-anim na Bantayog-Wika sa Filipinas na nagpupugay sa wika at kulturang Yogad.

Dapat tayong mapanatag na may higit 40 tayong Sentro ng Wika at Kultura sa buong Filipinas na nagsagawa ng tertulyang pangwika, na hindi lamang pumuno sa ating kalendaryo, kundi nag-ambag sa lumalaking lawas ng karunungan mula sa ating mga katutubong wika.

Ipagbunyi natin ang aktibong pakikilahok ng ating mga kababayan sa dalawang malaking kumperensiya na nangyari ngayong Agosto—ang “Hasaan” at ang “Pambansang Kongreso sa Katutubong Wika.” Sa tulong ng Unibersidad ng Santo Tomas at ating itinatag na Sentro ng Salin at Araling Salin, ipinamalas natin mula sa Hasaan ang mahalagang gampanin ng mga tagasalin sa pagtutulay sa karunungang nagmumula sa ating katutubong wika.

Higit 400 kalahok at kinatawan naman ng katutubong wika ang ating tinipon noong 19–21 Agosto sa Pambansang Kongreso sa Lungsod Bacolod para sa masinsinang talakayan at usapan hinggil sa estado ng ating mga wika. Matagumpay rin nating naikasa sa nasabing kongreso ang isang resolusyon upang matiyak na mapangangalagaan ang ating mga wika bilang pamanang pangkultura.

At sa hulí, dapat tayong magdiwang dahil nagtipon-tipon tayo rito—mga alagad at tagapagtaguyod ng wika—sa marangal na bulwagang naging saksi na sa maraming maririkit na artikulasyon ng mga Filipino sa sining.

Pararangalan natin ang limang indibidwal na naglaan ng kanilang talino, panahon, at iskolarsip para sa patuloy na pagpapaunlad ng wikang Filipino. Kikilalanin natin ang mga nagwagi sa ating timpalak. Kasama rito ang mga kabataang nagwagi sa Timpalak Jacinto sa Sanaysay, pati na ang hihiranging kabataang ambasador sa wika. Marapat lamang na sa kanila magwawakas ang ating programa.

Kung hihiramin natin ang sinabi ni Jacinto, makakasama natin ang mga kabataan sa paglilingkod natin, sa isang buhay na may malaki at banal na kadahilanan para sa pagtataguyod ng wika at kulturang Filipino.

Napakarami nating dapat ipagmalaki. Napakarami pa nating dapat ipagmalaki sa ating mga pagsisikap. Ngunit hindi tayo dapat malango sa ating mga tagumpay. Sapat nang malaman na ang ating pagtatrabaho para matiyak na mapangalagaan at maitaguyod ang wikang Filipino at mga katutubong wika ng Filipinas ang pang-araw-araw nating pammadayaw.

About Post Author

Previous articleBataraza fisherfolk assoc receives pumpboats as livelihood support
Next articleCulion official clarifies drowning victim is not assistant municipal engineer