(Larawan mula sa Facebook Page ni Ginna Rapsing Kvebek-Olsen)

Labis na panlulumo ang naramdaman ni Ginna Rapsing Kvebek-Olsen nang makita nito ang mga nabulok at nasira ng kalagayan ng may P1.2 milyong halaga ng ukay ukay bundles na nakumpiska sa kanya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang raid sa kanyang bodega noong 2021.

Ito ang nagbunsod kay Kvebek-Olsen na maglabas ng sama ng loob sa social media nitong Biyernes, September 23, sa pamamagitan ng isang open letter para sa dating hepe ng CIDG na si P/Maj. Richard John Macachor.

Ayon kay Kvebek-Olsen, pinuntahan nila ang mga nakumpiskang bundle sa tanggapan ng CIDG matapos makakuha ng order mula sa korte upang mabawi ang mga ito, ngunit nanlumo siya sa nakitang kalagayan ng mga ito.

Taliwas sa kanyang inaasahan na maayos ang pagkakaimbak sa mga ito, inabutan niyang bulok ang mga bundles at nasira na ang marami.

“Dala namin ang order ng korte. Masaya at excited, sa wakas makukuha na namin ang bundles namin. Pero eto ang tumambad sa amin. Sir Macachor, bulok na [ang] mga bundles, basang basa. Di mo man lang pinagmalasakitan. Wala na kaming makuhang matino, natunaw ang P1.2M (estimated) na pinuhunan ko,” pahayag nito.

“Anong klaseng tao ka, sir? Pinaghirapan ko yun, wala ka na ba talagang puso? O talagang wala kang puso kasi di mo kami kababayan, dayo ka dito sa Palawan,” dagdag pahayag ni Kvebek-Olsen.

Aniya, hindi niya kakasuhan ang dating hepe ng CIDG dahil hindi naman umano sapat ang “justice dito sa lupa” para sa nagawa nito.

Hahayaan na lamang niya ang langit na sumingil sa mga nagawa nito, kaya ang mga tauhan nito na “mababait” ay hindi rin niya babalikan ng kaso.

“Ngayon sir tingnan mo [ang] mga bundles na kinuha mo, bulok na bulok na, sir. Wala na po[ng] mapakinabangan. Sana po dinonate na lang natin nung magkaroon ng bagyong Odette, o kaya sa mga taong walang kakayanan,” ayon sa kanya.

“Lagi kong naririnig dati na wala nang mapapakinabang[an] sa bundle ko pero patuloy akong umaasa na iingatan niyo dahil ebidensya yun. Umaasa ako na, may reputasyon pa rin kayong pinangangalagaan kaya sabi ko iingatan mo ang mga bundles ko. Wala pala, sir, maitim po siguro ang budhi niyo, pero sir may pagkakataon pa para magbago. Hindi ko na ilalahad dito lahat ng nagawa mo sa akin dahil pinapaubaya ko na sa Ama,” pahayag pa niya.

Sa kabila ng sama ng loob ng negosyante kay Macachor, nakiusap naman siya sa mga netizens na ilabas sa sisi ang mga pulis na dating nasasakupan nito.

“Alam kong, marami ang magrereact sa post ko na ‘to, pero pakiusap po wag na natin sisihin ang buong force ng CIDG Palawan. Mga tauhan lang din sila na kailangan sumunod sa kanilang leader. Kaya kahit labag man sa kalooban nila, wala din silang magagawa,” pakiusap niya

Samantala, kinuha ng Palawan News ang panig ng dating hepe ng CIDG na kasalukuyan ng naka-assign sa ibang lugar.

Ayon kay Macachor, bagama’t wala na siya sa pwesto para magsalita kaugnay sa isyu, iginiit niyang walang pagkakamali ang CIDG sa kung ano ang nangyari sa mga bundle ng ukay ukay. Wala umano itong kulang at nandoon lamang sa lugar na siyang sinisiguro ng isang custodian.

“Nandiyan lang naman ang mga ukay. Wala na ako diyan. Ano pa ang hold ko dyan? Pero kami naghihintay lang naman ng order ng court. Kapag may order ng court na i-release, ire-release namin. Basta ang importante, kumpleto,” pahayag ni Macachor.

Matatandaang August 25 taong 2021 nang pasukin ng CIDG ang tindahan at bodega ng Zyle Jin Apparel Trading na pagmamay-ari ni Kvebek-Olsen sa pamamagitan ng isang entrapment operation.

Naaresto at kinasuhan ang pamangkin nito na tumanggap ng pera bilang bayad sa asset ng CIDG kapalit ng isang bundle ng ukay-ukay.

Ayon sa CIDG, ginawa nila ang pagsalakay sa bodega ng ukay ukay batay na rin sa Republic Act no. 4653, o ang batas na may kinalaman sa pagbabawal ng commercial importation ng textile articles.

About Post Author

Previous articlePPCWD announces water service interruption for Sept. 27
Next articleCity opens job opportunities as additional manpower for Ironman 70.3
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.