SAN VICENTE, Palawan — Isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng bayan ng San Vicente ang pagbubukas ng karagdagang mga atraksyong pang-turismo sa mga barangay upang makahikayat ng mas maraming turista sa darating na panahon.
Sa kabila ng pandemyang nararanasan, abala ang Municipal Tourism Office (MTO) sa product development kung saan plano nilang paunlarin ang mga atraksyon sa mga barangay bilang karagdagang destinasyon na pagpipilian ng mga turistang pumupunta sa San Vicente na kilala sa 14 kilometrong white sand beach at magagandang isla.
Bigaho Falls at Port Barton with Venus Rah Pamuayan falls at Pamuayan, Port Barton
Naniniwala ang MTO na bagama’t nasa gitna pa ng pandemya ang bansa, darating ang panahon na babalik ang turismo sa kanilang lugar.
“Sabi ni Mayor [Amy R. Alvarez] every barangay dapat may destination. Nakipag-usap [at] actually, nagbara-barangay na kami. Ngayon ay busy kami with this product development,” saad ni MTO officer Lucylyn F. Panagsagan.
Aniya, maraming potensyal na atraksyon sa mga barangay na magugustuhan ng mga bumibisitang turista tulad na lamang ng Brgy. Caruray na mayaman sa mga waterfalls.
Dagdag pa niya, tapos na silang magsagawa ng site identification at nasa huling bahagi na ng ocular inspection.
Nagsasagawa na rin sila ng concept development ng bawat atraksyon. Kabilang sa mga potensyal na atraksyong ito ang Batakano Eco-Park, Benesak Waterfalls, at Maria Cristina Waterfalls sa Bgy. Poblacion; mangrove area sa Brgy. New Agutaya, mga beach hotels sa Brgy. San Isidro, at Pakpak Lawin Falls at Nikko Falls sa Brgy. Port Barton.
Ilan pa rito ay ang Tandol at Tribal Center sa Brgy. Alimanguan, Secret Beach sa Brgy. Sto. Niño, Pugadlawin Waterfalls at Tandol Beach sa Brgy. New Canipo, Masinloc at Kataw-an Falls sa Brgy. Kemdeng, mangrove Area sa Sitio Gawid, at ang mga waterfalls sa Brgy. Caruray.
Kasabay ng implementasyon ng proyektong ito ang pagpapalakas sa mga residente ng komunidad bilang bahagi ng pagpapaunlad ng turismo sa mga barangay. Ito ay sa pamamagitan ng mga pagsasanay patungkol sa community-based management, community tour guiding at iba pa.
“Ang magiging concept nito is that we will be empowering our community to manage,” pahayag ni Panagsagan
Bahagi rin ng proyekto ang pagpapaunlad sa food tourism kung saan nais na ipakilala ang lamayo bilang pangunahing produkto na maaaring bilhin ng mga turista bilang pasalubong mula sa San Vicente.
“Sa malao’t madali, may hangganan din ang kasalukuyang pandemya, at magbubukas din muli ang industriya ng turismo hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo at sa panahon na iyon ay titiyakin natin na handa na ang bayan ng San Vicente para sa pagtanggap ng mga turista,” ayon pa kay Panagsagan.
