Nasa kabuuang P20,580,000 milyon ang naipagkaloob ng pamahalaang panlalawigan para sa local social pension ng mga senior citizen mula sa 23 munisipyo sa probinsya sa taong 2022, batay sa datos ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Umabot sa 8,833 na mga elderly ang napagkalooban ng pension na nagkakahalaga ng P250 kada buwan, partikular para sa mga buwan ng Hulyo hanggang Disyembre 2021.
Ang naturang tulong pinansiyal ay ipinagkaloob ng mga kawani ng PSWDO para sa mga Palaweño na itinuturing na indigent.
Ang programa ay sa ilalim ng “Aid to Senior Citizens Program” ng PSWDO na may layuning makatulong sa pangangailangan ng mga ito sa mga gamot, pagkain, at iba pa.
Ayon kay PSWDO officer Abigail Ablaña, ang patuloy na pagkakaloob ng local social pension para sa mga lolo at lola ay patunay ng pagkalinga at pagmamahal ng pamahalaang panlalawigan sa mga ito upang masuportahan ang kanilang mga pangangailangan lalo na para sa kanilang kalusugan.
“Ang patuloy na pagbibigay ng local social pension para sa ating mga Lolo at Lola ay isang pagpapakita ng pag-aaruga, pagbibigay galang at pagmamahal sa kanila ng Pamahalaang Panlalawigan,” sabi ni Ablaña.
Samantala, apat na centenarian din mula sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan ang napagkalooban ng centenarian gift na nagkakahalaga ng tig P10,000 sa taong 2022.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng pagpupulong ng PSWDO sa Provincial Federation of Senior Citizens Association of Palawan (FSCAP) at Municipal OSCA Heads sa mga munisipyo ngayong taon, layon nitong magkaroon ng regular na pakikipagugnayan sa mga ito at maiparating ang mga programa ng pamahalaan.