Nasa 18 katutubong miyembro ng Pengarap Neng Pengkebiyagan Association mula sa Sitio Entak at Kamantian sa Brgy. Samariñana ang nakatanggap ng P5,000 bilang tulong pangkabuhayan sa ilalim ng programang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng pamahalaang bayan ng Brooke’s Point.

Sa isinagawang awarding ceremony noong Huwebes, February 9, sa Sitio Tagpinasao Tabuan, Brgy. Salogon, ay sinabi ng mga tauhan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) na ang pondo ay mula sa budget ng tanggapan mula sa 2023 General Fund ng munisipyo.

Ayon pa sa MSWDO, ang P5,000 ay pahiram ng lokal na pamahalaan sa grupo ng mga katutubo na babayaran na walang kaukulang tubo sa loob ng isa hanggang dalawang taon upang magkaroon ng indibidwal na panimulang kapital ang mga ito para sa sustinableng hanapbuhay.

“Itong P 5,000 ay pahiram sa kanila within 1-2 years. Ito ay walang tubo nilang ibabalik at sa sino mang makapagbabalik at may maayos na record ay maari pang humiram ulit at posible pang madagdagan,” sabi ni Edith Pascua, project evaluator, ng MSWDO.

Photo of BPMIO

Ilan sa mga project proposal ng grupo ay ang pag-aalaga ng kambing, manok, at iba pang mapagkukunan ng pang araw-araw na pagkain at kabuhayan.

“Sa 5,000 pesos pwede silang bumili ng manok, baboy kambing at iba pa na pwedeng maparami, ito rin yong mga hayop ng akma sa kanilang lugar kung kayat pinondohan at pwedeng maparami,” dagdag ni Pascua.