Mga relief goods mula sa Palawan bilang tulong sa mga nabiktima ng pagputok ng Bulkang Taal, naipadala na sa pamamagitan ng C-130 ng Philippine Air Force (PAF). (Larawan mula sa Provincial Information Office)

Naipadala na sa pamamagitan ng C-130 ng Philippine Air force (PAF) ang naipong mga relief goods bilang tulong ng Palawan para sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal kamakailan.

Ang nasabing tulong ay kinapapalooban ng 100 sako ng bigas, mga de-lata tulad ng sardinas, at mga used clothes mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

Samantala, 14 sako ng bigas, 10 bags ng used clothes, 10 kahon ng iba’t-ibang pagkain tulad ng gatas, noodles, de-lata at iba pa, ang mula naman sa Yamang Bukid.

Maliban sa mga nabanggit na tulong ay mayroon ding mga naipong donasyon mula sa Pamahalaang Panglungsod ng Puerto Princesa, Naval Forces West, Land Bank of the Philippines, Western Command, Palawan Sound Organization, iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan, mga pribadong organisasyon at mga negosyante ang kasabay na isinakay sa C-130.

Umalis sa paliparan ng Lungsod ng Puerto Princesa ang C-130 lulan ang mga relief goods noong Pebrero 3.

Ayon kay 1Lt Rufina Sabello ng PAF-Tactical Operations Wing West (TOW-West) mula sa Villamor Air Base sa Pasay City ay agad dadalhin sa Batangas ang mga relief goods upang maipamahagi sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.

Dagdag pa ni Lt. Sabello na patuloy silang tumatanggap ng mga relief goods at iba pang tulong para dito. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

 

Previous articleHerico succeeds Gaerlan as commander of 3rd MBDe in Palawan
Next articlePUIs for nCoV rise to 215: DOH