SAN JOSE, Occidental Mindoro — Isasailalim sa rehabilitasyon, simula ngayong Setyembre, ang 300-metrong Lumintao Bridge, na pangunahing nag-uugnay sa mga bayan sa timog at hilagang bahagi ng lalawigan.
Ayon kay Project Engineer Neil Angelo Garcia ng Kejamarenik Construction and Construction Supplies (KCCS), nauna nang idineklara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kailangan ng Lumintao ang malakihang rehabilitasyon at batay mismo sa ginawa nilang sarbey, delikado nang daanan ng mabibigat na sasakyan ang tulay.
“Bahagyang tumagilid ang tulay na epekto ng mga nagdaang pagbaha sa ilog nito,” ani Engr. Garcia.
Higit sa P132 milyon ang halaga ng proyekto, at target na matapos sa loob lamang ng isang taon, ayon pa rin sa Inhinyero.
“Sa sandaling magsimula na ang rehabilitasyon, pansamantalang ipagbabawal sa buong maghapon ang pagdaan ng mga sasakyang higit dalawang tonelada ang bigat,” paliwanag nito.
Ito, aniya, ay upang manatili pa ring matibay ang tulay para sa kaligtasan ng mga biyahero, gayundin ng mga trabahador na maghuhukay sa ilalim nito. “Subalit susubukan natin baka naman sa gabi ay kakayaning padaanin ang mga trak na 10-15 tonelada ang bigat,” dagdag pa ni Garcia.
Nabatid mula sa DPWH Mimaropa na kabilang sa aayusin ay ang lumaylay na bahagi ng tulay na ipinasara ng kagawaran noong nakalipas na taon. “Maglalagay kami ng malalaking machines sa ilalim ng lundo (laylay na bahagi) na magtutulak dito pataas upang tumuwid ang tulay,” paliwanag din ni Garcia.
Ang tulay ng Lumintao ay bahagi ng national highway at nagdurugtong sa mga bayan ng Rizal sa timog at Calintaan sa hilaga. Ayon kay konsehal Joel Aguilar, majority floor leader sa Sangguniang Bayan ng San Jose, kritikal ang papel ng Lumintao Bridge sa lokal na ekonomiya hindi lang sa kanilang bayan kundi maging ng Rizal at Magsaysay.
“Pangunahing maaapektuhan ang mga nagbibiyahe ng kanilang mga produkto papasok at palabas sa lalawigan, kung tuluyang masisira ang tulay,” komento ni Aguilar.
“Oo nga’t may alternatibong daan sa Oriental (Mindoro) patungong San Jose, pero delikado ito sa mga malalaki at mabibigat na trak dahil sa matarik na bahagi ng Bulalacao – Magsaysay road. Mas mainam na habang inaaayos ang Lumintao, maglagay ng pansamantalang daan (bailey bridge) sa tabi nito,” dagdag ng konsehal.
Unang naitakda ang simula ng rehabilitasyon ng tulay nitong Agosto, subalit ipinagpaliban bunsod ng kahilingan ng National Food Authority na mabigyan ng sapat na panahon na maitawid ang kanilang mga palay mula Calintaan patungong San Jose.
Samantala, makakatuwang ng KCCS, isang local construction firm, ang Katha Builders and Supplies sa rehabilitasyon ng Tulay ng Lumintao. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)