LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Okt 18 (PIA) — Sumailalim sa dalawang oras na seminar ang 25 kasapi ng Tricycle Operators Drivers Association (TODA), hatid ng Calapan City Public Safety Department upang muli silang paalalahanan sa kanilang tungkulin sa kalunsuran bunsod umano sa naitatalang bilang ng mga paglabag sa batas trapiko ng mga tsuper ng traysikel.
Ginanap ang seminar sa tanggapan ng Calapan PSD sa lumang City Hall noong Oktubre 17.
Tinalakay ni Arvin Maligon, OIC ng Traffic Management Office ng lungsod ang mga batas na umiiral na nakasaad sa Sec. 13 at 14 ng City Ordinance No. 5-2010 o mas kilala bilang ‘Code on Tricycle Franchise and Regulation in the City of Calapan’ ang tungkol sa mga Prohibited Acts and Penalty.
Ayon dito, ipinagbabawal ang pagmamaneho ng tricycle na walang prangkisa at franchise number sa mga salamin ng sidedecar at bubong. Bawal din ang walang naka paskil na taripa ng pamasahe, paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, walang mga ilaw, signal light at side mirror, gayundin ang paglalagay ng mga salamin sa loob ng sidecar. Kailangan mayroong nakalagay na basurahan upang hindi sa kalsada itinatapon ang mga basura at higit sa lahat ipinagbabawal ang paninigarilyo pati sa mga pasahero.
Mahigpit din na ipinagbabawal ang pagsusuot ng tsinelas, naka sando at short pants at hindi suot ang tamang uniporme habang nagmamaneho ng kanilang pampasaherong yunit.
Sakaling lumabag sa batas ito ay may karampatang kabayaran. Sa unang paglabag ay may multa na P1,000, sa ikalawa P2,000 at ikatlo at mga susunod pang pag labag ay P3,000. Bukod dito, papatawan pa ng otomatikong suspensiyon sa pagbiyahe at mai-impound ang tricycle o maari pang umabot sa rebokasyon ng kanilang prangkisa.
Dagdag pa ni OIC Maligon, karamihan sa mga paglabag ay sa batas trapiko na kanilang na-monitor sa 51 CCTV na nakakalat sa buong lungsod.
Kailangan pa silang sumunod sa ipinapatupad na Number Coding Scheme upang maiwasan ang dami ng mga tricycle sa kalunsauran na siyang nagdudulot ng mabigat na daloy ng trapiko. Ito ay mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 7:00 a.m. hanggang 7:00 p.m.
Samantala, pinaalala din sa seminar ang tamang asal at pakikitungo sa mga pasahero – ang pagiging magalang at pagrespeto sa kanilang mga pasahero, dahil layunin aniya ni City Mayor Arnan C. Panaligan na makilala ang Calapan bilang ‘Lungsod na may Disiplina at Mabuting Asal.’
Sa kasalukuyan, umabot na sa 3,900 ang nakatalang tricycle na may prangkisa ang bumibiyahe sa buong lungsod ng Calapan. (DN/PIA-OrMin)