Walang kamalay-malay ang isang tricycle driver sa bayan ng El Nido na sakay niya ang dalawang PBA legends na sina Paul Artadi at James Yap.

Nagba-viral ang video ni Artadi dahil sa inosente, ngunit nakakatuwang palitan ng tanong at sagot ng driver sa kanyang mga tanong, tulad ng kung kilala ba niya ang ilang PBA players.

“Idol, sama kita sa vlog ko, ha? Matagal ka na ba rito?” tanong ni Artadi sa driver na hindi napangalanan. “Sa PBA, sino idol mo?”

Sinagot naman ito ng tricycle driver na nagsabi na ang idol niya ay ang Filipino-American professional basketball player na si Stanley Pringle.

“Si Paul Artadi kilala mo?” tanong mismo ni Artadi, na mabilis naman nitong sinagot ng “hindi”, kaya wala ng nagawa ang PBA player-turned-vlogger kundi ang matawa na lang.

Ayon sa driver, eight years na siyang nakatira sa El Nido at namamasada ngunit wala siyang nakikitang mga PBA player na pumapasyal sa kanilang bayan.

“Si James Yap hindi mo idol?” tanong muli ni Artadi.

“Dati ho,” sagot naman ng driver na hindi pa rin natunugan na ang mga sakay niya ay mga sikat na players ng PBA.

“Ginebra yata,” dagdag pa ng driver. Ngunit si Yap ay huling naglaro para sa Rain or Shine Elasto Painter.

Nauwi sa usapan kung sino ang asawa ni Yap na sinagot naman ng driver na si Kris Aquino.

Sa kuwento ni Artadi, hindi alam ng tricycle driver na ang sakay na niya ay si “King James.” Matapos silang ihatid sa kanilang tutuluyang hotel, ay may hint si Artadi na nalaman din ito ng driver at nagulat ito.

“Yong driver di niya alam sakay na niya si King James. Nagulat siya, di ba?” kuwento ni Artadi. 

Ipinakita rin sa vlog ang pag-iikot ng dalawa sa bayan ng El Nido kung saan kanilang ikinumpara ang ganda nito sa Phuket sa Thailand.

“Pero mas maganda ang Pilipinas syempre,” pahayag ni Artadi.

Maliban sa parehong basketbolista na naglaro sa PBA ay parehong konsehal ng bayan ng San Juan sina Artadi at Yap.

Ang vlog ay ipinost ni Artadi ngayong araw, March 29. Meron na itong 124 shares, 3.2k reactions, 137 comments. Hindi sinabi ni Artadi kung kelan sila pumunta ng El Nido.

About Post Author

Previous articleCity to host Ironman Asia TriClub Championship event
Next articlePSU students turn over Asian palm civet to PCSDS