Dinala sa ospital ang isang tricycle driver at pasahero nito dahil sa mga sugat na tinamo matapos aksidente umano nilang mabangga ang Toyota Hi-lux na minamaneho ng isang pulis kahapon sa national highway na sakop ng Brgy. Barong-Barong sa bayan ng Brooke’s Point.
Ang mga dinala sa ospital ay kinilala ng Palawan Police Provincial Office (PPO) na ang driver na si Frebelito Torres, 62, residente ng Brgy. Maasin sa naturang bayan, at pasahero nito na si Expectatio Janoras, 61, residente ng Brgy. Barong-Barong.
Ang pulis naman na nagmamaneho ng Toyota Hi-lux ay kinilala na si P/Cpl. Ryan Wiliam Rivera, 32, residente ng Brgy. Malihud, Bataraza, na may apat na pasahero kabilang na ang isang menor de edad. Sila ay sina PEMS Rigeno Castro, 51, residente ng Poblacion, Narra at NUP Rejean Cebuano, 24, residente ng Araceli, na naka-assign sa Bataraza Municipal Police Station (MPS), at Orhailan Bairulla, 28, social welgare officer 1 na residente ng Bataraza, at ang menor de edad.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng Brooke’s Point MPS, nangyari ang aksidete habang ang Toyota Hi-lux na minamaneho ni Rivera ay binabagtas ang national highway mula Bataraza patungo ng Bahay Pag-asa sa Puerto Princesa, samantalang ang tricycle na minamaneho ni Torres ay mula sa kasalungat na direksyon.
Nang marating ang bahagi ng national highway kung saan naganap ang aksidente, bigla umanong lumiko pakaliwa ang tricycle na minamaneho ni Torres ng hindi nagsi-signal kaya nakabanggaan ang Toyota Hi-lux.
Nasa Leoncio General Hospital ang driver at pasahero ng tricycle para sa gamutan. Si Rivera naman, ayon sa PPO, ay dinala sa Sagrado Hospital para sa obserbasyon. Ligtas naman ang mga pasahero na kanyang sakay sa Toyoto Hi-lux.