Isang tricycle driver at isang construction worker sa Barangay Pangobilian sa bayan ng Brooke’s Point ang inaresto ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation, Linggo ng gabi, sa bayan ng Brooke’s point.

Kinilala ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Provincial Police Office (PPO), ang mga suspek na sila Roger Bacquiao, 52, driver, at Adolfo Macaltao Jr., 30, manggagawa, parehong residente ng Brgy. Tub-tub sa nasabing lugar.

Nahuli ang dalawa matapos mabilihan ng mga awtoridad ang suspek na si Bacquiao ng isang sachet ng shabu.

Nakumpiska din mula sa mga suspek ang isang Honda TMX tricycle at mga drug paraphernalia.

Ayon sa panayam ng Palawan News kay P/Cpt. Bernard dela Rosa, ang nanguna sa operasyon, matagal nang binabantayan ng mga awtoridad ang mga suspek dahil nakasama ito sa kanilang target list. Sumuko na rin ito noon sa kanila ngunit bumalik dahil sa pag-aakalang hindi na sila matitiktikan pa ng mga awtoridad dulot ng COVID-19.

“Once na nag-operate tayo dyan mayroon nang monitoring (validation), mayroon na tayong bitaw dyan bago natin i-operate ang isang target natin,” saad ni Dela Rosa.

“Sila iyong mga nasa target list talaga (sa pagbebenta ng droga), mga surrenderee din kasi ang mga ito,” dagdag pa niya.

Kinakaharap ngayon ng mga suspek ang kasong paglabag sa R.A 1965 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at dinala sa lungsod para sa karagdagang imbestigasyon.

(With reports from Jayra Joyce Taboada)

 

 

About Post Author

Previous articleLGUS urged to offer free wifi for online classes
Next articleSports Intel — Tab Baldwin Should Not Be in Hot Water