Sinampahan ng kasong murder noong Martes si Tarusan tribal chieftain Hadting Anggan Ilajan bilang suspek sa pagpaslang sa kapwa nito chieftain na si Poldo Kirao na indigenous peoples mandatory representative (IPMR) ng Barangay Culandanum sa bayan ng Bataraza.

Ayon kay P/Col. Adonis Guzman, hepe ng Palawan Police Provincial Office (PPO), may mga personal na isyu sa pagitan ng dalawa na posibleng motibo ng suspek para gawin ang krimen.

“Personal grudge ang nakita nating motive dito base sa mga statement ng witnesses. Una ay sa dowry na ibibigay ng pamilya ng biktima (apo) sa pamilya ng suspect (pamangkin) dahil hindi pa naibibigay at malapit na ang kasal. Isa pa, palagi rin daw kinokontra ng biktima ang suspek sa mga meeting nilang mga chieftain, at contender din ang biktima na maging IP representative sa isang kumpanya doon sa bayan,” pahayag ni Guzman.

Masama naman ang loob ng mga anak ng biktima sa suspek, na hindi na din malayo sa kanilang pamilya. Ayon sa anak ni Kirao na si Perlita Mandeli, pamangkin ng kanyang tatay ang asawa ni Ilajan.

“Hindi sila magkasundo sa mga desisyon nila. Sa mga kamag-anak namin (asawa ng suspek) walang problema, sa kanya (suspek) mayroon. Wala na kaming komunikasyon sa kanila, pagkatapos na nakitaan na posibleng suspek siya sa pagpatay, wala na sila sinabi sa amin,” ayon sa anak ng biktima.

Wala din umanong pagkukusa sa pamilya ng suspek para humingi ng tawad o gumawa ng anumang aksyon para madamayan sila.

“Kung nagawa siguro nila yan, siguro naintindihan namin, pero wala rin. ‘Yung kahit na yumakap man lang sa amin, sabihin na sorry, pasensiya na. Wala, wala kaming narinig,” pahayag ni Mandeli.

Si Kirao ay namatay matapos barilin sa Sitio Bicol Village, Brgy. Sandoval noong umaga ng Mayo 18.

Bago ang pamamaril, sakay ito ng motorsiklong minamaneho ni Ilajan habang sila ay patungo sa Rio Tuba Nickel Mining Corporation upang mag-report sa kanilang duty sa Indigenous Peoples Development Office (IPDO) ng kompanya.

Ayon sa unang report, tinambangan ang dalawa ng hindi nakilalang suspek na sakay noon ng isang motorsiklo.

Ngunit sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, iba iba ang pahayag na ibinigay ni Ilajan kaya itinuring itong person of interest at nang isailalim ito sa paraffin test ay nag-positibo ito sa gun powder burns.

Previous articlePalaweño social worker among spotlighted achievements of Duterte administration
Next articleSmoke-free tourist spots campaign launched
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.