Kaugnay pa rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Palawan, muling naglabas ng travel guidelines ang pamahalaang bayan ng El Nido para sa mga nagnanais bumiyahe papunta at paalis na residente na ipatutupad simula bukas, araw ng Biyernes, Mayo 7.
Ayon sa bagong patakaran, ang kasalukuyang ginagamit na travel pass ng mga paalis sa bayan ay papalitan ng travel stub (monitoring ticket) na makukuha sa mga border control points sa mga barangay ng Bagong Bayan at Mabini. Ilalagay sa travel stub ang date and time of departure upang maging basehan sa mga susunod na polisiya.
Kabilang pa rin sa mga pinapayagang maka-biyahe palabas ang mga residente na may essential purposes, papunta sa ibang munisipyo at sa Lungsod ng Puerto Princesa na hindi lalampas ng 72 hours. Kapag lampas sa 72 hours ang itatagal ng indibidwal sa labas ng munisipyo ay kailangan nitong magpakita ng negative antigen test result sa mga border control points pagbalik.
Samantala, ang mga nagdi-deliver ng essential goods ay papayagang makapasok sa El Nido at hindi na kailangang magpakita ng negative antigen test, ngunit kailangan silang makaalis sa loob ng 24 oras.



