Nakatanggap ng relief goods mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga transport group sa Puerto Princesa City na naapektuhan ng bagyong Odette.
Kabilang dito ang New Palawan PUV Transport Group Corporation na mayroong mahigit 100 na miyembro at pinamumunuan ni Rodgie Mitran.
Ayon kay Mitran, kasama sa mga natanggap nila ay canned goods, noodles, bigas, toothpaste, tubig damit, biscuits, face mask, at iba pa.
Lubos aniya silang nagpapasalamat sa LTFRB dahil napakalaking tulong sa kanilang mga drayber at operator ang ayuda, bukod kasi sa bagyong Odette, patuloy pa ring nararanasan ang COVID-19 pandemic.
“Malaking tulong ito sa aming mga miyembro dahil sa pandemic ngayon, maraming-maraming salamat sa ipinadala nilang tulong sa aming mga operators and drivers” saad pa ni Mitran.
Maliban aniya sa mga relief goods, nauna na silang nakatanggap ng P20,000 na kanilang ibinigay sa mga miyembro na bumabyahe sa rutang Santa Lourdes-bayan (vice versa), dahil matindi ang naging pinsala ng bagyo sa Barangay Santa Lourdes at nasira pa ang ilang kalsada. (MCE, PIA-MIMAROPA, PALAWAN)
