SAN VICENTE, Palawan — Sumasailalim ang mga opisyal at kinatawan ng iba-ibang sektor ng Barangay Alimanguan sa tatlong araw na Enhanced Barangay Development Plan Orientation and Workshop.
Ito ay sa pangunguna ng Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (MTF ELCAC), Department of the Interior and Local Government (DILG), Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3) at ng lokal na pamahalaan ng barangay.
Ang aktibidad na nagsimula noong araw ng Martes, Abril 6, ay naglalayong bumuo ng limang taong pangkaunlarang plano para sa naturang barangay bilang bahagi ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa ilalim ng Executive Order No. 70.
Tampok sa naturang aktibidad ang serye ng workshop na tutukoy sa mga programa, proyekto at aktibidad na magpapaunlad sa sektor ng imprastraktura, kapaligiran, institusyunal, ekonomiya at panlipunan.
Sa mensahe ni Rustico B. Dangue, Municipal Local Government Operations Officer, sinabi niyang ang programa na mas pinalakas ay nagtataglay ng estratihiyang “whole-of-nation approach” o ang pagbubuklod ng mga mamamayan upang maging kabalikat ng pamahalaan sa pagsusulong ng kaunlaran sa lipunan.
“Ating pag-uusapan ang iba’t ibang larangan ng pag-unlad, mga suliranin, mga pangarap ng bawat isa, mga adhikain na kung saan ay tutugon sa pang-ekonomiya, panlipunan, pampolitikal, pangrelihiyon at iba’t iba pang larangan ng pamamahala na mapaunlad ito upang ang ating barangay ay maging bahagi ng pagbabago sa buong bansa,” pahayag ni Dangue.
Aniya, layon ng Executive Order No. 70 na manyutralisa ang mga barangay na lehitimong naimpluwensyahan ng mga makakaliwang grupo tungo sa pagsasakatuparan ng mapayapang pagbabago.
“Ang estratihiyang ito ay hindi tuwirang makikipag-away sa kanila bagkus ay mag-iimbita sa kanila, upang sa ating pinagsama-samang kakayanan at kaalaman ay nais nating sila ay manumbalik sa yakap ng ating konstitusyon,” dagdag pa ni Dangue.
Kinilala naman ni Punong Barangay Cesar M. Caballero, Sr. ang kahalagahan ng naturang aktibidad upang tuluyang wakasan ang terorismo sa kanilang barangay.
“Lahat ng plano doon natin ilalagay. Lahat ng ating concern sa barangay doon natin ilalagay para iyan ang ating gabay bilang namumuno sa ating barangay ‘yun ang aming magiging basehan sa loob ng limang taon,” paliwanag ni Caballero
Hinikayat naman ni Indigenous People’s Mandatory Representative Reynaldo Rodriguez ang kapwa mga katutubo na makiisa sa isinasagawang pagpapaplano upang mabigyang solusyon ang mga kinakaharap na suliranin ng naturang sektor.
“Ito ang panahon para mailabas natin sa workshop na ito [kung] ano ang ating problema, ano ang magiging plano natin sa ating problema para masolusyunan,” saad ni Rodriguez.
Nauna nang nagsagawa ng kahalintulad na gawain sa mga barangay ng Caruray, Kemdeng, at Sto. Niño.
