Matapos na mag-positibo sa antigen test ang tatlong kawani ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Cuyo, ipinag-utos ni Mayor Mark delos Reyes ang pansamantalang pag-suspende ng trabaho sa lahat ng tanggapan simula nitong araw ng Biyernes, Mayo 14, hanggang sa Martes, Mayo 18.
Ang suspensyon ng trabaho ay base sa Memorandum Order No. 04 na nilagdaan ni Delos Reyes nitong Biyernes ng umaga matapos na matanggap ang report ng Municipal Health Office (MHO) na nagsasaad na may tatlong kawani ang nag-positibo, upang makapagsagawa ng contact tracing at disinfection sa buong municipal hall..
Ayon kay Delos Reyes, ang tatlo ay nakaranas ng hindi magandang pakiramdam sa pangangatawan kung kaya’t isinailalim agad sila sa antigen test noong araw ng Huwebes, May 13.
“Naka-isolate na rin ang tatlong empleyado natin at inaantay na lang din natin ngayon ang resulta ng RT-PCR test nila. Nag-contact tracing na din agad kahapon ang MHO,” pahayag ni Delos Reyes.
“Ipinag-utos din agad natin ang pag-didisinfect sa mga opisina natin,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, ang bayan ng Cuyo ay mayroong dalawang aktibong COVID-19 local case at isa naman ang naitalang recovered patient nitong araw ng Biyernes, base sa opisyal na daily bulletin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
