Palaisipan sa mga awtoridad sa bayan ng Quezon ang motibo sa pagpatay sa isang trabahador ng sawmill na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek habang bumibili ng barbecue sa tindahan noong Sabado ng gabi, sa Barangay Alfonso XIII.

Sa panayam ng Palawan News kay P/Maj. Bronson Caramto, hepe ng Quezon Municipal Police Station (MPS), sinabi niya na malalim pa ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa pagpatay kay Rolando Guiñarez, 34, residente ng Phiad-p, Barangay Pinaglabanan.

Dagdag ni Caramto, walang naikwentong kagalit o kaaway nito ang kanyang kaanak at maging ang mga katrabaho.

“Medyo malalim-lalim pa’ng huhukayin namin doon kasi iyong biktima doon wala siyang mga naging kaaway, hindi sa workplace niya, hindi doon sa family niya, hindi rin sa grupo or affiliation niya, ang sabi naman ng mga kasamahan niya doon ay napakabait niya na tao at walang kaaway. Walang masabi kaya medyo malalim talaga ang huhukayin namin doon,” ayon kay Caramto.

Nabanggit din niya na maaring mistaken identity lamang ito o kaya’y may nakasalubong ito at nakagalit dahil nakainom ito.

“Either mistaken identity or meron siyang nakasalubong sa kalsada, kasi ang sabi kasi noon is galing siya sa trabaho at meron siyang dalang tuba, so normally pagkauwi niya ay parang medyo nakainom na ng konti and then along the way baka meron siyang nakagitgitan na isang tao o isang motorista din and then nagtrigger at nagstart na ng away,” ayon kay Caramto.

Aniya, maaring sinusundan ito ng suspek at nang huminto ay doon na ginawa ang pagbaril dito sa ulo.

Dagdag ni Caramto, may witness sila sa pagbaril ngunit hindi rin namukhaan ang suspek dahil madilim sa lugar at nakasumbrero ito at nakasuot ng face mask.

“May witness tayo ang problema ay madilim and then nakamask ang tao (suspek) so hindi nila gaanong ma-describe. Nakasumbrero ang suspek at nakafacemask lang,” saad niya.

Nanawagan naman si Caramto sa mga mamamayan ng bayan na mag-ulat sa kanila kung may nalalamang impormasyon upang maresolba ang kaso.

“Sana magsumbong iyong mga tao kung meron mang mga nasagap silang information, tulungan nila iyong mga imbestigador natin or magsend sila ng information para makatulong sa ating ginagawang investigation para masolve natin ang kaso na ito,” ayon kay Caramto.

 

About Post Author

Previous articlePH to int’l community: Ensure universal availability of vaccines
Next articleEx-rebel leader ‘Ka Allan’ calls on NPA rebels in Palawan to surrender
Jayra Joyce Cañete Taboada handles the law and order and the science and education beats. She is also a licensed professional teacher.