Nov 27, 2020

Tourist destination sa bawat barangay, isinusulong sa Brooke’s Point

Ayon kay Mayor Mary Jean Feliciano, nais nilang magkaroon ng agri-tourism destination ang bawat barangay na maaaring ipagmalaki upang makahatak ng mga turista.

Larawan mula kay Kagawad Ton Abengoza.

 

BROOKE’S POINT, Palawan — Isinusulong ng lokal na pamahalaan sa bayan na ito ang pagkakaroon ng tourist destination sa bawat baranggay.

Ayon kay Mayor Mary Jean Feliciano, nais nilang magkaroon ng agri-tourism destination ang bawat barangay na maaaring ipagmalaki upang makahatak ng mga turista.

Aniya, dapat pagyamanin pa ang agrikultura sa Brooke’s Point, lalo na ng mga puno rin ng prutas para sila ay maging “Fruit Basket Capital”.

“Ini-encourage natin na magkaroon ng tourist spot ang bawat barangay ng sa ganoon ay mayroong maipagmalaki sa buong mundo. Ganoon din ang pagpapalago ng agrikultura sa pamamagitan ng pagtatanim ng iba’t-ibang prutas para hindi lang busog ang mata kundi pati tiyan ng mga mamamasyal,” sabi ni Feliciano.

 

Mga larawan mula kay Kagawad Ton Abengoza.

Kaugnay nito ay nagkaroon rin ng pagbisita ang alkalde kasama ng mga department head ng lokal na pamahalaan sa mga lugar na posibleng maging tourist destinations.

Dito napag-alaman na marami pang lugar sa Brooke’s Point na may potential upang maging tourist attraction, tulad ng Engkira Falls sa Barangay Malis, 12 Falls sa Brgy. Saraza, at old mangrove trees at fish sanctuary sa Brgy. Maasin.

Bilang suporta ay patuloy ang pagpapakonkreto ng lokal na pamahalaan sa mga daanang patungo sa mga lugar kung saan mayroong dini-develop na tourist attraction, sabi ni Feliciano.

Ang bayan ng Brooke’s Point sa southern Palawan ay isang 1st class municipality. Mayroon itong 18 barangay, at sa bilang ay dalawa ang rural at 16 naman ang urban.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry