Hindi puwedeng magbukas at operate ang mga tourism accommodations establishments o AEs sa bayan ng Busuanga sa ilalim ng “new normal” hangga’t wala silang certificate of authority to operate (CAO) mula sa Department of Tourism.
Ang bagay na ito ay ayon kay Busuanga municipal tourism officer Allan Davatos sa panayam ng Palawan News noong Huwebes, August 13.
Sabi ni Davatos, kinakailangang kumuha ang mga may-ari ng mga hotel, lodging house, inn, at maging mga beach resort sa DOT ng CAO bago sila makapagbukas muli ng kanilang mga negosyo.
“Ang opisina namin ay naglabas na ng reminder sa mga owners ng accommodations at iba pang katulad na establishment dito sa Busuanga upang sa ganoon ay mag-apply na sila at mabigyan na sila ng CAO na magmumula sa DOT at makapag-operate sa gitna ng new normal,” sabi ni Davatos.
Sa kasalukuyan ayon kay Davatos ay mayroon pa lamang apat na mga AE ang nabigyan ng DOT ng CAO sa Busuanga habang ang iba ay kino-comply pa lang ito.
Ang requirement ng DOT para makakuha ng CAO ay design ng kanilang operational health protocols para sa mga guest at pagsasailalim sa virtual inspection establishments.
“Ang design ibig sabihin noon ay ipapakita nila kung paano sila tatanggap ng guest na sinusunod ang health protocols. Tapos gagawin ang virtual inspection, tapos magsa-submit din ng letter of intent sa DOT at kung approved na, doon na maglalabas ng pagpayag ang DOT at bibigyan na sila ng CAO,” paliwanag ni Davatos.
Ang mga nabigyan na ng CAO ay ang Busuanga Bay Lodge, La Estancia, White Summer Ville, at Marine Del Sol Resort habang nasa 26 na accommodation establishment ang nagkokomplay.