Nais ng Municipal Tourism Office (MTO) na mabakunahan muna ang lahat ng tour guides ng Mt. Victoria bago muling buksan ang trekking at climbing activities dito upang matiyak na ligtas ang lahat nang pupunta para pumasyal sa kabundukan.
Ito ang ipinahayag ni Narra tourism officer Sherwin Corpuz sa panayam ng Palawan News, araw ng Martes, Setyembre 7.
Ayon kay Corpuz, sisiguraduhin muna nila na fully-vaccinated na ang mga tour guide para matiyak na ligtas ang mga ito at maging ang mga turista laban sa banta ng COVID-19.
“Pinag-uusapan pa ang muling pag-resume ng Mt. Victoria, para mai-set ang bagong guidelines natin at ng ating Municipal Inter-Agency Task Force,” paliwanag ni Corpuz.

Ayon naman kay Jehson Cervancia, head ng Mt. Victoria tour guides, sa kabuuang 24 ay walo na silang nakatanggap ng unang dose ng bakuna habang naghihintay pa ang 16 na nakatakdang bakunahan ngayong buwan.
“[Nasa] 24 tour guides kami lahat sa Mt.Victoria, then may 16 pa, medyo nag-alangan lang sila kahapon, pero magpapabakuna pa rin sila,” pahayag ni Cervancia.
Naunang nabigyan ng first dose ng Sputnik V ang apat sa kanila noong Agosto 21 at ang sumunod na apat naman ay nabigyan ng first dose ng Moderna noong araw ng Lunes, Setyembre 6, kasabay ng iba pang indibidwal na binakunahan sa covered gym ng poblacion.
Nabakunahan ang mga ito sa pangangasiwa Municipal Health Office (MHO) sa pakikipagtulungan ng MTO bilang pag-iingat ng kanilang tanggapan sa kalusugan ng tourism personnel.
Dagdag ni Cervancia, mahalagang mabakunahan sila sa sektor ng turismo upang maingatan din nila ang kanilang kalusugan at hindi mag-alinlangan sa kanila ang mga turistang nais pumasyal sa sa Mt.Victoria.
“Mas mainam na fully-vaccinated ang lahat ng tour guide sa Mt. Victoria para naman hindi kami mapahamak sa virus maging ang mga visitors natin,” aniya.
Magugunitang noong ikalawang linggo ng Hulyo ngayong taon ay muling pansamantalang itinigil ang climbing activity sa Mt. Victoria dahil sa sunod-sunod na community restrictions dulot nang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bayan.



