BROOKE’S POINT, Palawan — Magsasagawa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Palawan ng isang training na may kalakip na scholarship program sa bayan ng Brooke’s Point.
Kabilang sa mga iniaalok na training ang mga sumusunod: NC II para sa driving course; Organic Agriculture Production; Carpentry at Masonry; Contact Tracing Level II; Trainers Methodology Level I; Assembly of Solar Night Lights and Post Lamps; at Process Food by Sugar Concentration.
Ang nasabing programa ay ipinaliwanag ni Vivian E. Abueva, provincial director ng TESDA kay Mayor Cesareo Benedito Jr. at sa Sangguniang Bayan kasabay nang pagpapahayag ng devolution ng ilang programa nito sa lokal na pamahalaan, noong araw ng Lunes, Hulyo 11.
Sa ilalim ng nasabing programa, ibinababa ng TESDA sa lokal na pamahalaan ang mandato nang pagtatayo ng sariling training center dahil sa pagbabago ng curriculum at pagtataas ng antas ng mga programa ng National Certificate (NC) II na sa kalaunan ay gagawing NC III.
Layunin din nito na magkaroon ng sariling training center ang lokal na pamahalaan upang makapagbigay ng karagdagang trabaho at pagkakakitaan.
“Kailangang ibaba sa LGU ang programa para mismong si LGU ay makapag-create din ng training center dahil ang TESDA ay magle-level up ng curriculum,” pahayag ni Abueva.
Nagpahayag naman ng suporta si Benedito sa mga ito na ayon sa kanya ay malaki ang maitutulong sa mamamayan ng Brooke’s Point.
“Malaki ang maitutulong nito sa mga mamayan ng Brooke’s Point, ang problema (na) lang talaga ay ang trabaho after ng training. Ganoon pa man ay suportado natin ito hanghang sa ito ay maging sustainable,” pahayag ni Benedito.
