Dec 5, 2020

Tent-type quarantine facility, itatayo ng DPWH sa El nido

Ang nasabing pasilidad ay mayroong 10-bed capacity at inaasahang sisimulan ang pagtatayo sa lalong madaling panahon.

(UPDATED) Naglaan ng P11.60 milyong pondo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional Office para sa pagpapatayo ng tent-type quarantine facility bilang pag-iwas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bayan ng El Nido, Palawan.

Ito ang kinumpirma ni Engr. Amelia Fajardo, District Engineering Officer ng DPWH-Palawan I sa isinagawang virtual ‘Kapihan sa PIA’ kahapon.

Apat na tent ang itatayo na mayroong 40 beds at palikuran at inaasahang sisimulan ang pagtatayo sa lalong madaling panahon.

Ayon kay Fajardo, ang kanilang opisina ang naatasang mamahala sa konstruksyon ng proyekto.

Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy ang pagsasaayos ng kasalukuyang ginagamit na quarantine facility ng munisipyo, kung saan naglagay din ng partisyon at palikuran sa gusali habang hindi pa naitatayo ang tent-type, na nilaanan naman ng P1.70 milyon.

Sa kabuuan aniya, mayroong 60 beds na ilalagay sa magiging pasilidad sa El Nido na magagamit upang matiyak na maipatutupad ng husto ang quarantine protocol sa lugar.

Kaugnay nito, naglaan din ang DPWH ng P2 milyon pondo para naman sa pagsasaayos ng kanilang itinayong evacuation center sa mga bayan ng Coron at Busuanga, na siyang ginagamit ngayong quarantine facility sa lugar. (PIAMIMAROPA)

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry