Tuloy-tuloy ang operasyon ng Taytay Municipal Police station (MPS) sa kabila ng pagiging limitado ng kanilang galaw dahil sa kakulangan ng mga tauhan matapos na isailalim ang bayan sa General community Quarantine (GCQ) at maglagay ng mga check point sa ilang barangay dito.

Ayon kay P/Lt. Argie Eslava, hepe ng Taytay MPS, kulang na ang kanilang tauhan at naging limitado ang kanilang galaw dahil bukod sa nahahati na ang kanyang mga tauhan ay pinag-iingat din ang mga ito na mahawa sa sakit na COVID-19.

“Naglagay na kasi kami ng tao sa mga check point in Barangay Cataban at Barangay Abongan para sa Municipal IATF. Kailangan talagang hatiin ang tao at naapektuhan talaga mga operasyon namin. Hindi kami masyadong makakilos dahil tutok tayo sa COVID-19,” payahag ni Eslava. “Pero kahit ganun pa man, hindi naman namin hinahayaan na kapag may mga reported na mga insidente ay hindi kami nagreresponde, lalo na kung may paglabag sa protocols ng COVID-19,” dagdag niya.

Patunay nito, sa katatapos lang na operasyon ng Taytay MPS ay naaresto ang dalawang magsasaka na sina Rey Olimbu Magdaluyo, 22, at Bernie Latosa Murillo, 42, sa isinasagawang iligal na tupada sa Sitio Nabang, Barangay Busy Bees pasado alas singko noong araw ng Linggo, Mayo 23. 

Ayon kay Eslava, mahigpit ang pagbabantay nila sa mga ganitong mga aktibidad dahil nalalabag nito ang health protocols ng COVID-19.

“Napapansin natin sa lahat ng MPS, ang sabong mahigpit kami diyan, kahit anong paala-ala natin sa mga tao na iwasan ‘yan dahil bukod sa sugal na bawal talaga, ay una yan sa lumalabag sa protocol ng covid. Ipon-ipon, tapos ang iba walang suot na face mask at face shield. Mabilis ang hawaan diyan, tapos uuwi sa mga pamilya nila,” paliwanag niya.

Sa panayam naman ng Palawan News kay P/Col. Frederick Obar, provincial director ng Palawan Police Provincial Office (PPPO), sinabi niyang mas pinaigting pa ngayon ang paghihigpit sa pagpapatupad ng health protocols ngayon upang masiguro na hindi na madagdagan ang bilang ng mga pulis na unang dinapuan ng nasabing sakit.

Dagdag pa niya, bukod din sa kakulangan ng tao ay apektado din ang mga MPS financially dahil sa mga gastusin para sa antigen test at transportation ng mga suspek mula sa munisipyo patungo sa lungsod at pabalik dahil na din sa pagkansela ng committment sa Provincial Jail dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid dito. 

“Hindi naman karamihan ang mga pulis natin sa mga MPS, everytime may mga nahuhuling mga violators dinadala dito sa Puerto ‘yan, mag-aantigen test ang mga ‘yan kasama na ang mga pulis, sariling gastos ng mga pulis so magkano agad yan. Pagbalik nila mga sa kanilang station, maku-quarantine sila for two weeks, mapipilayan na ang mga MPS natin dahil kaunte na lang ang gagalaw,” pahayag nin Obar. 

Umaasa rin si Obar na sa darating na buwan ng Hunyo ay mabibigyan na bakuna laban sa Covid ang lahat ng tauhan ng Philippine National Police, ayon na sin kay P/Gen. Guillermo Eleazar.

Previous articleJ&T Express sa bayan ng Narra nilooban
Next articleBayan ng Roxas nagsimula nang magbakuna ng mga senior citizens
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.