Kinilala ng pamahalaang lokal sa bayan ng Taytay ang mga karapatan at responsibilidad bilang “ilaw ng tahanan” ng mga ina sa masayang pagdiriwang ng International Women’s Month, araw ng Miyerkules, Marso 9
Sa isang maiksing programa nagsimula ang kanilang selebrasyon na siyang pinangunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at dinaluhan ng 28 asosasyon ng mga kababaihan mula sa 31 na barangay.
Sa mensahe ni Taytay mayor Christian Rodriguez, ipinahayag nito ang patuloy na pagbibigay ng iba’t ibang programa sa mga kababaihan, pagtatanggol kapag sila ay naabuso sa pamamagitan ng Violence Against Womens and Their Children Act (VAWC), at ang pagkilala sa kanilang mga karapatan.
“Pangarap ko na may pagkakakitaan ang lahat ng mga ilaw ng tahanan. Ang mga Juana kailangan ng mga Juan. Hindi sa lahat ng panahon kayang ibigay ng mga kalalakihan ang lahat ng pangangailangan ng pamilya,” ayon kay Rodriguez.
Ayon pa sa kaniya, mahalagang maipagtanggol ang karapatan ng isang babae sa kanilang komunidad dahil isa sila sa magpapaunlad ng kanilang sariling pamilya at magtataguyod sa kinabukasan ng kanilang mga anak.
Samantala, nagbigay din ng mensahe ang hepe ng MSWDO na si Naty Junio.
“Kung gusto nating makita ang pagbabago sa ating bayan, magsimula muna sa ating sarili,” pahayag nito.
Dumalo rin sa aktibidad si vice mayor Cheenie Rodriguez, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at mga punong barangay.
