Tatlong lalaki, sugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Brooke’s Point

Tatlong indibidwal ang nagtamo ng matinding pinsala matapos magkabanggaan ang kanilang sinasakyang mga motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Sityo Locon, Barangay Malis sa bayan ng Brooke’s Point, 10:45 ng umaga ng Martes, Abril 13.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Benbenido Rodriguez, 51, driver ng motorsiklong SYM 110, at angkas nitong si Artemio Kalampisi, 51, mga residente ng Brgy. Ocayan, Bataraza. Ang driver ng nakabanggaan nilang Honda Supra GTR150 ay kinilalang si Michael Anthony Cañete, 31, area manager ng National Food Authority (NFA)-Brooke’s Point, at residente naman ng Brgy. Isumbo, Sofronio Española.

Ayon sa mga nakasaksi, parehong tinatahak ng dalawang motorsiklo ang national highway patungo sa direksyon ng norte at nang liliko na sana pakaliwa si Rodriguez ay dito naganap ang aksidente kung saan nabangga ito ni Cañete.

Sa tindi ng banggaan ay tumilapon ang mga sakay at matindi ang pinsalang natamo ng mga ito.

Ayon kay Dexter Dumao, putol ang binti ng isa sa tatlo habang hindi din maganda ang lagay ng dalawa pa.

“Si Rodriguez, bali ang paa, laman at ugat na lang ang kumakapit at yung angkas niya naman, may malaking bukol sa ulo,” pahayag ni Dumlao, isa sa mga nakasaksi. “Yung nakabanggaan naman, may tama sa nguso, hindi ko na nakita halos,” dagdag niya.

Dinala ang tatlo sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) kung saan nilapatan ang mga ito ng paunang lunas. Si Rodriguez naman ay inilipat sa isang pribadong hospital.

“Hindi pa sila makausap. Minomonitor pa rin sila hanggang ngayon. Si Rodriguez inilipat sa Sagrado Hospital dahil na rin sa matinding tama sa paa,” pahayag ni P/Lt. Mark Sigue, hepe ng Brooke’s Point Municipal Police Station.

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry